Noong unang panahon, may dalawang magkasintahan ang nag-ibigan nang lubos at dalisay. Ngunit hindi pinapayagan sa kanilang bayan na magpakasal ang mga lalaking hindi pa napapatunayan ang kanilang pagkalalaki. Nagkaroon ng isang digmaan laban sa isang malayong kaharian at nilubos ng binata ang pagkakataong ito na pagtunayan ang kanyang pagkalalaki. Nangako siya sa kanyang iniibig na babalik pagkatapos niyang patunayan ang kanyang kagitingan at silang dalawa’y magpapakasal. Nangako silang dalawa sa ilalim ng isang puno ng narra. Bilang tanda ng kanilang pagmamahal sinugatan nila ang kanilang mga palad. Pinahiran ng dugo ang puno bilang alay kay Bathala. Umalis ang binata at nakipagdigma sa malayong kaharian habang naghintay ang dalaga sa kanilang bayan. Madalas na dumaraan ang dalaga sa puno ng narra. At minsang may napadaang isang tikbalang sa puno ng narra at nabighani ito sa dalagang naghihintay sa kanyang pinakamamahal. Niligawan ng tikbalang ang dalaga. Umulan ng mga talulot kung saan man pumunta ang dalaga at umusbong ang iba’t ibang uri ng mga bunga sa hardin ng kanyang bahay. Ngunit hindi nagbago ng isip ang dalaga at nanatiling tapat sa kanyang pangako. Nagalit ang tikbalang sa pagtangging ito. Bilang ganti, pinaulanan niya ng bato ang buong bayan at lahat ay nalibing. Nagbalik ang binata. Isa na siyang magiting at matapang na mandirigma. Ngunit wala na ang kaniyang bayan. Maging ang narrang naging saksi ng kanilang pangako ay nalibing. At nagsimula siyang maghukay dahil sa sobrang hinagpis. Kahit isa na lamang na malamig na bangkay, hahanapin niya ang kanyang pinakamamahal. Naghukay siya nang naghukay nang naghukay hanggang makahukay siya ng pitong dambuhalang mga butas. Maliit ang mga nahuli kung ihahambing sa mga naunang nahukay dahil unti-unting nabawasan ang ang kanyang hinagpis. Ngunit hindi niya natagpuan angbangkay ng kanyang pinakamamahal pagkatapos siyang makapaghukay ng pitong malalaking butas. Umiyak na lamang siya nang umiyak hanggang pati si Bathala’y napaiyak sa kanyang kalungkutan. At ang luha niya at ang luha ni Bathala ay naghalo upang punuin ang pitong mga butas na naging pitong mga lawa.
Martes, Enero 09, 2007
Isang Pekeng Alamat para sa Bagong Taon
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento