Huwebes, Enero 18, 2007
FA Fest 2007
St. Philip's Medical Ward
Isang dulang sinulat at dinirek ng isang sophomore, BJ Crisostomo ata ang pangalan. Tungkol sa isang phychiatric ward sa panahon ng Amerikano. Maganda ang diskursong tinatahak ng dula tungkol sa nasyonalismo at kolonyalismo. Bagaman may problema ako sa pagtatapat sa dalawa at paglalagay ng dalawang ito sa kalagayang "sira-ulo" at "normal." Sira-ulo ba tayo dahil sa nasyonalismo natin o sinara ang ulo natin ng kolonyalismo. Hindi malinaw. Pero magaling ang performance ng mga aktor. Kagaya nga ng sinabi ni Yumi, medyo mabigat ang kabuuang tono ng dula. May epek. Isa problema rin sa ilang anakronismo. Sa mga detalye lang naman.
Virgin Ka Pa Ba?
Dula ni Miyo. Tumulong siya sa amin noong FA Fest namin. Maganda rin dula. Tungkol sa sex. (Obvious ba?) Mas mabuting tingnan ang buong palabas na binubuo ng tatlong magkakaibang dulang tumatalak sa sexual politics. Maganda yung unang bahagi. Lalaking-lalaki kasi. May bagong sinasabi. Kaya medyo na-off ako sa pangalawa kasi medyo "the usual" na kuwento tungkol sa relasyong batang babae-matandang lalaki. Pero magaling yung aktres dun. Napaka-creepy naman yung huli. Magaling ang istilong ginamit ni Miyo sa bahaging ito.
Fairy Tale Fusion
Dula ni PH. Tinulungan din niya kami noon. Ito ang da best talaga na dula na napanood ko kahapon. Simple lang yung set. Magaling pa yung mga aktor at aktres. At yung kuwento, astig. May dating. (Di ba, Geopet?) Maganda yung diskurso nito. Existential. Galing. Ang dami pang mga alusyon, di lang sa fairy tales pati na rin sa pop culture.
isang hirit kay geopet:
gusto mo ba ng apple? :D
Huwebes, Enero 11, 2007
Paano nga ba maging tunay na lalaki?
Kapag naging pogi ka?
Kapag marunong ka nang magmaneho?
Kapag may sarili ka nang kotse?
Kapag nagka-girlfriend ka na?
Kapag maganda ang girlfriend mo?
Kapag nagkaroon ka ng isang daang girlfriend?
Kapag nangaliwa ka na?
Kapag nakipagbasag-ulo ka na?
Kapag nakapatay ka ng tao?
Kapag wala kang kinatatakutan?
Kapag nagkaasawa ka na?
Kapag nagkatrabaho ka na?
Kapag may sarili ka nang bahay?
Kapag nangaliwa ka ulit?
Kapag nagkakabit ka?
Kapag nagkaroon ka ng isang daang anak?
Kapag ginagalang ka ng lahat ng tao?
Kapag galit sa'yo ang lahat ng tao?
Nakakainis. Gusto kong magpakalalaki! Siguro maling maghanap ng isang pangkalawakang sagot.
Martes, Enero 09, 2007
Isang Pekeng Alamat para sa Bagong Taon
Noong unang panahon, may dalawang magkasintahan ang nag-ibigan nang lubos at dalisay. Ngunit hindi pinapayagan sa kanilang bayan na magpakasal ang mga lalaking hindi pa napapatunayan ang kanilang pagkalalaki. Nagkaroon ng isang digmaan laban sa isang malayong kaharian at nilubos ng binata ang pagkakataong ito na pagtunayan ang kanyang pagkalalaki. Nangako siya sa kanyang iniibig na babalik pagkatapos niyang patunayan ang kanyang kagitingan at silang dalawa’y magpapakasal. Nangako silang dalawa sa ilalim ng isang puno ng narra. Bilang tanda ng kanilang pagmamahal sinugatan nila ang kanilang mga palad. Pinahiran ng dugo ang puno bilang alay kay Bathala. Umalis ang binata at nakipagdigma sa malayong kaharian habang naghintay ang dalaga sa kanilang bayan. Madalas na dumaraan ang dalaga sa puno ng narra. At minsang may napadaang isang tikbalang sa puno ng narra at nabighani ito sa dalagang naghihintay sa kanyang pinakamamahal. Niligawan ng tikbalang ang dalaga. Umulan ng mga talulot kung saan man pumunta ang dalaga at umusbong ang iba’t ibang uri ng mga bunga sa hardin ng kanyang bahay. Ngunit hindi nagbago ng isip ang dalaga at nanatiling tapat sa kanyang pangako. Nagalit ang tikbalang sa pagtangging ito. Bilang ganti, pinaulanan niya ng bato ang buong bayan at lahat ay nalibing. Nagbalik ang binata. Isa na siyang magiting at matapang na mandirigma. Ngunit wala na ang kaniyang bayan. Maging ang narrang naging saksi ng kanilang pangako ay nalibing. At nagsimula siyang maghukay dahil sa sobrang hinagpis. Kahit isa na lamang na malamig na bangkay, hahanapin niya ang kanyang pinakamamahal. Naghukay siya nang naghukay nang naghukay hanggang makahukay siya ng pitong dambuhalang mga butas. Maliit ang mga nahuli kung ihahambing sa mga naunang nahukay dahil unti-unting nabawasan ang ang kanyang hinagpis. Ngunit hindi niya natagpuan angbangkay ng kanyang pinakamamahal pagkatapos siyang makapaghukay ng pitong malalaking butas. Umiyak na lamang siya nang umiyak hanggang pati si Bathala’y napaiyak sa kanyang kalungkutan. At ang luha niya at ang luha ni Bathala ay naghalo upang punuin ang pitong mga butas na naging pitong mga lawa.