Lunes, Disyembre 04, 2006

Simot

Noong Undas, may naikuwento ang kapatid ko tungkol sa paggamit niya sa salitang “simot.” Kalimutan, kung may nahuhulog sa sahig, mababanggit niya, “Uy may nahulog, simutin mo.” At magtataka ang mga kasama niya at bibiruin siya, “Paano? Hihimurin namin?” May iba kasing kahulugan ang “simot” sa amin sa San Pablo, at marahil sa iba pang “liblib” na lugar. Kasama ng kahulugang makikita sa UP Diksyunaryong Filipino na “ubos ang anumang kinukuha o kinakain; walang itinitira,” may kahulugan din sa amin itong pagdampot sa mga bagay na nahuhulog dahil nakapanghihinayang.

Hindi naman lubos na nagkakalayo ang pangkaraniwang kahulugan sa kahulugan namin. Higit na partikular lang ang pangkaraniwang kahulugan sa pagkain. Mas malawak lamang ang gamit namin sa salita. Kagaya nang nasabi ko kanina, may kaakibat na panghihinayang ang pagsimot sa parehong kahulugan. Paligi tayong pinaaalalahanan ng ating mga magulang na “simutin ang kinakain.” At sa pagsimot sa mga bagay na nahulog, may panghihinayang. Nanghihinayang tayo sa nahulog na paboritong panyo sa putikan. Nanghihinayang tayo sa nahulog na cellphone. Nanghihinayang tayo sa nakakalat na mga papel sa magulo nating kuwarto. Kaya sinisimot natin ang mga ito. Sinisimot natin ang narumihang panyo para magamit uli kahit na bilang basahan na lamang. Sinisimot natin ang nahulog na cellphone para mapakumpuni at magamit uli. Sinisimot natin ang mga papel sa magulo nating kuwarto para masulatan o i-recycle. Syempre, hindi na natin sinisimot ang mga nahulog na mga pagkain.

Sa huling dalawang halimbawa, makikita rin ang dagdag na kilos na pinahihiwatigan ng “simot,” ang paglikom. Kalimitan, sa ating pagsimot, nililikom natin ang ating sinisimot. Sa bagsak ng cellphone sa sahig, kalimitang nawawasak ito sa maraming mga piraso. Kaya sa pagdampot natin, nililikom natin ang mga bahaging napatilapon sa pagbagsak nito. Sa pagsimot natin ng mga papel na nakakalat, nililikom natin ito sa isang tabi.

Narito ang ubod ng “simot” na unti-unti nang nawawala sa ating moderno’t masaganang pamumuhay. Napakadali na nating baliwalain ang mga bagay. Hindi na tayo nanghihinayang sa mga gamit nating natatapon o nahuhulog. Napakaliit ng halaga ng mga bagay sa ating panahon kumpara sa mga panahon ng kagipitan o kahirapan. Kaya’t hangga’t nariyan ang panghihinayang sa kawalan ng isang bagay, hindi’t hindi natin nakakaligtaang simutin ang mga ito.

Walang komento: