Martes, Disyembre 26, 2006

Bagabag

Pagkatapos ng tatlong nakakapagod na araw, nagising ako kaninang tanghali ng may pagkabagabag. Hindi ko alam kung ano. Basta. Hindi ako mapakali. Parang may darating, mangyayari, o kung ano mang mahalaga na dapat kong paghandaan pero hindi naman ako sigurado kung paano dahil hindi ko naman alam kung ano iyon. Hindi ako makatutok sa mga ginagawa ko. Sana pakiramdam lang ito at lumipas na. At kung may darating, dumating na. Dahil hindi ako ang tipo ng taong nagpapakataranta.

Martes, Disyembre 19, 2006

Panaginip

Umulan ng bato dahil may comet na napadaan sa langit. Nakita ko itong bumubulusok sa langit at biglaang lumayo. May dalawang nahulog na bulalakaw di kalayuan sa bahay namin sa San Pablo. Mainit ang mga bulalakaw kaya uminit din ang semento't aspalto ng kalye't bangketa. Para lumamig, diniligan ko ng tubig ang bangketa at kalye.

Miyerkules, Disyembre 06, 2006

Para kanino nga ba ang Charter Change na iyan?

Walang kaduda-duda, para lang naman iyan sa mga gahama't palpak na mga pulitiko. Sinasabi nilang para sa ikabubuti ng bayan. Siguro nga. Hindi ko ikakaila na maaari ngang kailanganin ang mga pagbabago sa konstitusyon kung nararapat. Ngunit kaduda-duda talaga ang mga pamamaraan ng Kongresistang tuta. Bakit ba nila pinagpipilitang ngayon na gawin? Bakit hindi na lang sa paglipas ng eleksiyon? Bakit nila inisantabi ang Senado, na malinaw na bahagi rin ng Kongreso? Sabi nga ng CBCP sa kanilang statement, kaduda-duda ang pagmamadaling ito. Ang tunay na reporma'y wala sa uri o sistema ng pamahalaan. Nasa gawa ng mga tao. Kung silang mga gumagawa ng batas ay walang galang, anong uri ng halimbawa sila? Ang isyu ay hindi kapangyarihan o kayamanan kundi katarungan.

(Ayan, masasalvage na ako.)

Lunes, Disyembre 04, 2006

Simot

Noong Undas, may naikuwento ang kapatid ko tungkol sa paggamit niya sa salitang “simot.” Kalimutan, kung may nahuhulog sa sahig, mababanggit niya, “Uy may nahulog, simutin mo.” At magtataka ang mga kasama niya at bibiruin siya, “Paano? Hihimurin namin?” May iba kasing kahulugan ang “simot” sa amin sa San Pablo, at marahil sa iba pang “liblib” na lugar. Kasama ng kahulugang makikita sa UP Diksyunaryong Filipino na “ubos ang anumang kinukuha o kinakain; walang itinitira,” may kahulugan din sa amin itong pagdampot sa mga bagay na nahuhulog dahil nakapanghihinayang.

Hindi naman lubos na nagkakalayo ang pangkaraniwang kahulugan sa kahulugan namin. Higit na partikular lang ang pangkaraniwang kahulugan sa pagkain. Mas malawak lamang ang gamit namin sa salita. Kagaya nang nasabi ko kanina, may kaakibat na panghihinayang ang pagsimot sa parehong kahulugan. Paligi tayong pinaaalalahanan ng ating mga magulang na “simutin ang kinakain.” At sa pagsimot sa mga bagay na nahulog, may panghihinayang. Nanghihinayang tayo sa nahulog na paboritong panyo sa putikan. Nanghihinayang tayo sa nahulog na cellphone. Nanghihinayang tayo sa nakakalat na mga papel sa magulo nating kuwarto. Kaya sinisimot natin ang mga ito. Sinisimot natin ang narumihang panyo para magamit uli kahit na bilang basahan na lamang. Sinisimot natin ang nahulog na cellphone para mapakumpuni at magamit uli. Sinisimot natin ang mga papel sa magulo nating kuwarto para masulatan o i-recycle. Syempre, hindi na natin sinisimot ang mga nahulog na mga pagkain.

Sa huling dalawang halimbawa, makikita rin ang dagdag na kilos na pinahihiwatigan ng “simot,” ang paglikom. Kalimitan, sa ating pagsimot, nililikom natin ang ating sinisimot. Sa bagsak ng cellphone sa sahig, kalimitang nawawasak ito sa maraming mga piraso. Kaya sa pagdampot natin, nililikom natin ang mga bahaging napatilapon sa pagbagsak nito. Sa pagsimot natin ng mga papel na nakakalat, nililikom natin ito sa isang tabi.

Narito ang ubod ng “simot” na unti-unti nang nawawala sa ating moderno’t masaganang pamumuhay. Napakadali na nating baliwalain ang mga bagay. Hindi na tayo nanghihinayang sa mga gamit nating natatapon o nahuhulog. Napakaliit ng halaga ng mga bagay sa ating panahon kumpara sa mga panahon ng kagipitan o kahirapan. Kaya’t hangga’t nariyan ang panghihinayang sa kawalan ng isang bagay, hindi’t hindi natin nakakaligtaang simutin ang mga ito.

Sabado, Disyembre 02, 2006

Birthday Gifts

Pumunta ako kanina kina Gino para pakain sa kanyang kaarawan. Nagkita-kita kami nina Paolo, Rajiv, Daniel, Aina at Carla sa 7-11 bago pumunta kina Gino. Nagkainitan kami kanina dahil sa ice cream. Ireregalo namin para kay Gino. Hindi kami makapagpasya kung anong flavor ang bibilhin. Gusto namin ni Paolo ng very rocky road habang gusto naman nina Aina at Carla ang coffee crumble. Nanalo ang mga babae dahil inilabas na nila ang ice cream at biniyaran para matapos na ang alitan. Gusto ko talaga ng very rocky road.

Nagpahatid kami sa kotse namin papunta kina Gino. Nakatayo sa gilid ng isang bangin na nakatanaw sa Sampalok Lake. Malapit din lang iyon sa seminaryo at sa loteng balak na pagtayuan ng bagong Ateneo de San Pablo. Ewan kung matutuloy iyon. Tsismis, wala pa raw go-signal ng mga Heswita.

Nakakatuwang makasama ulit ang barkada. Palagi akong wala sa mga get-together na naipaplano nila sa kung ano mang dahilan. Nakakatuwa ring may kopya pala si Gino ng pinakauna kong kuwento ng tanang buhay ko. (Pareho kaming dating editor sa pahayagan ng Canossa.) Binigay niya sa akin iyon. Hay, nostalgia. Kahit kahiya-hiya ang kuwentong iyon, kinuha ko para sa mga sentimental na mga dahilan. Isa iyong love story na spy thriller noong World War II. O, di ba? Unang kuwento palang, kung ano-ano na ang naiisip ko.

Bago kami umalis, pinapanood sa amin ni Gino ang isang episode ng South Park tungkol sa World of Warcraft. Tungkol ang episode sa pagpigil nina Kyle sa isang super-high-level na character na pumapatay sa lahat ng mga character na naglalaro ng World of Warcraft. Naaliw ako. Talagang tinulungan ng Blizzard ang mga gumawa ng South Park sa pag-animate ng mga segment na naglalaro ang mga bida. World of Warcraft talaga ang ginamit! Aliw din ang mga geeky lines. Heto ang ilang natatandaan ko:

Blizzard Executive 1: This man has been playing World of Warcraft every minute of everyday for the past year and a half. He has no life.
Blizzard Executive 2: How do we kill one that has no life?

Blizzard Executive: This is the end of the world!... of Warcraft...

Blizzard Executive 1: There is only one way, we must log on and give the Sword of a Thousand Tooth before it's too late. But I don't have an account.
Blizzard Executive 2: I don't have an account either. I have a life!
Kyle's Dad: Uh, I have an account. But I'm just n00b.
Blizzard Executive 1: Do we trust the Sword of a Thousand Tooth to a n00b!?

Pinapanood din sa amin ni Gino ang ilang episode ng "Heroes." Aliw din iyon. Isang gritty na superhero series.

Kanina rin, pinaplano nila ng isang inuman sa 22. Overnight hanggang 23. Mukhang makakapunta ako. Gbai pa ng 23 bago umalis kami ng pamilya ko papuntang Singapore para magbakasyon. Para makita ko rin naman ang mga dating kaklase na matagal nang hindi nakikita.