Linggo, Nobyembre 26, 2006

Isang "Wala Lang" Post

May Al Jazeera News Channel ang cable namin dito sa San Pablo. Wala lang. :D

Miyerkules, Nobyembre 22, 2006

Masakit Nga Talaga ang Alaala

Pilit kong pinakinggan kanina ang recording ng palihan noong 6th ANWW tungkol sa kuwento ko. Pilit, dahil, hindi ako mapakali. Nakakatuwa dahil halos manhid ako noong mismong session na iyon. Ganoon naman talaga ako tuwing palihan. Desensitized, ika nga. Pero ngayon, ang hirap-hirap. Siguro nga dahil mayroon na akong alaala sa mga nangyari. Wala naman talagang panlalait na ginawa ang mga panelist sa aking kuwento. Maganda nga ang pagtanggap. Ulit, babalik ako sa alaala. Halos lahat ng mga salitang binbanggit ng mga panelists ay naging trigger para sa akin. Parang gusto kong magbigay ng komento, magsalita. Ngunit tapos na, wala na akong magagawa. Parang nalabas ang aking ginustong gawin noong palihan habang pinakikinggan ko ang record. Ang hirap talaga nang ganito.

Biyernes, Nobyembre 17, 2006

Pasalubong

Bumalik na si Dad dito sa Pinas galing Amerika. (Nagbakasyon ang gago.) Kaya excited ang mga kapatid ko sa mga pasalubong nilang mga pabango, damit, relo, atbp. Isa lang naman ang hiningi kong pasalubong sa kanya e, libro. Actually, apat na libro. "The Death of Artemio Cruz" ni Carlos Fuentes, "Hopscotch" ni Julio Cortazar, "The Glass Bead Game" ni Hermann Hesse, at "The Death of Virgil" ni Hermann Broch. Siguro makakakuha ako ng mga kopya nito kung mafaling ako sa scavenging sa mga second hand. Pero maarte ako, gusto ko ng fresh na kopya. May kopya rin naman ang Rizal lib ng mga librong ito, maliban sa "The Death of Artenio Cruz" na "lost" daw, i.e. baka nasa bookshelf isang teacher. Pero naha-hassle ako na magpa-renew kada-dalawang linggo. (Mabagal kasi akong magbasa.) Kaya ito, mukhang magugulo ang aking top 5 ng "to read list" nang kaunti kasi gustong-gusto ko nang basahin ang "Hopscotch." At masaya ring nasa Pinas na ulit si Dad.

Ngayon nga rin pala ang nai-set na date ni Daniel para sa aming "bar hopping" na napag-usapan dalawang linggo na ang nakakaraan. Nakalimutan ko nga e. Noong nag-text lang sa akin si Aina, dating kaklase noong high school noong maalala ko. Hindi ako nakapunta kasi may klase pa ako bukas ng umaga. Kung wala, baka nakapunta ako. Pwede pa rin naman sana akong dumaan pero ilang araw na rin akong kulang sa tulog dahil sa pagsusulat. Babawi na lang ako sa susunod.

Miyerkules, Nobyembre 15, 2006

"15 minutes lang iyan?"

Nakuha ko kanina ang kopya ng mga recordings ng Ateneo National Writers Workshop. Nag-volunteer kasi ako sa pag-transcribe ng palihan. Inuna ko na ang huling araw, ang ikalima, kasi maraming mga diskusyon doon ng mga kuwento. Ilang oras ko na ring pinakikinggan ang unang session sa umaga at tina-trascribe iyon. Pero nakakalabing-limang minuto pa lang ako. At anim at kalahating oras ang buong haba ng araw na iyon. Pero masaya namang pakinggan iyon. Nostalgia. :D

Lunes, Nobyembre 13, 2006

Hindi Ito isang Rant, Natutuwa Lang

Unang klase namin kanina para sa Malikhaing Pagsulat: Tula na itinuturo ngayong semestre ni Ma'am Beni. Akala ko nga wala kaming klase kanina. Wala kasi Ma'am Beni nang buong araw. Nang tanungin ko si Ate Mel, inatake na naman si Ma'am Beni ng kanyang hika. Napa-text tuloy ako sa mga tao. Yun pala, nagpapahinga lang si Ma'am Beni para mismo sa aming klase sa tula. Para sigurado, tinext ko si Ma'am. Hindi lantarang tinanong kung may klase kami o hindi. Tinanong ko lang saan gaganapin ang klase namin. Text ni Ma'am, "CTC na." Kaya doon ko nasiguro na may klase kami kanina.

Nakatutuwa rin naman nang dumating ako sa classroom, nagkita na kami ni Eric nang papaakyat na kami ng hagdan. May anim ring undergrads na nag-enrol, o gustong mag-enrol, sa klase naming iyon. Bihira lang talagang ang mga undergrad na nakuha ng klase sa malikhaiang pagsulat. Dalawa lang yung mga nakuha talaga, yung mga IS, CW, o Lit(Fil). Paunti-unti pa para sa mga klase sa Filipino kasi higit na dominante ang Ingles mga nagsusulat sa Ateneo. At puro nga IS, CW, at Lit(Fil) ang mga kaklase ko sa tula.

Medyo late nang dumating si Ma'am Beni kanina. (Hinihika nga kasi.) Dahil unang klase, ipinakita sa amin ang syllabus. Nagkulang pa nga bilang ng kopya ng syllabus kasi pito lang ang nasa listahan niya habang labing-isa kami sa klase. Ang nakatutuwa sa syllabus, apat na pahina ito. Detalyado. PAASCU season na nga talaga. Nawindang lang kami sa requirement, isang tipikal na Ma'am Beni requirement: labinlimang (15) tula. Pauwi, nag-comment na agad si Nikka. 3/4 na yun ng dami ng tulang sinulat niya para sa kanyang tesis na binuo niya ng dalawang taon. At kailangan naming makabuo ng isang koleksiyon ng labinlimang (15) tula sa pagtatapos ng semestre.

[*nag-antanda* Diyos ko, hindi ako makata, gantimpalaan ninyo po sana ako ng milagro.]

Joke lang iyang nasa bracket. Basta para kay Ma'am Beni, sino ba naman ang hindi mapapagawa ng milagro? Ma'am Beni is Love. And with love, you can do anything. Pero excited na rin akong tumula at magpakamakata. May naiisip na nga akong kabuuang tema para sa koleksiyon bagaman baka hindi ko ito magawa sa buong labinlimang (15) tula. Siguro sa walo lang. Kaya para sa Lunes, ang takdang aralin ay magdala ng tatlong tula. Ang isa ay tungkol sa C2. Oo, yung iniinom. Isang ehersisyo sa pagtulang Bagay.

Huwebes, Nobyembre 09, 2006

Bagong Semestre

Katatapos ko lang mag-enroll. Dalawang klase lang ang kinuha ko ngayong semestre. Hindi naman kasi makadaragdag sa aking "long term" na mga plano ang iba pang mga klase, yung klase sa pelikula at dula. Kinuha ko na lang ang isang core subject, yung kritisismong pampanitikan ng pilipinas, at isang klase sa malikhaing pagsulat para sa tula. Magiging guro ko ulit si Ma'am Beni, yung sa tula, at magiging guro ko naman sa kritisismo si Sir Joseph Salazar. Natatakot ako sa pagkuha ko ng malikhaing pagsulat: tula kasi hindi naman talaga ako makata. Baka kung anong kalokohan lang ang maisulat dun, mapahiya lang ako.

Medyo natagalan ako sa pag-enroll dahil sa pag-aayos ng mga papeles para sa aking tuition discount. 100% yun. Sayang naman, di ba? Pabalik-balik ako sa kagawaran, sa graduate services at personnel office. Na-exercise ako dun.

Kahapon naman, nagpa-meeting ang graduate services ng mga ilang graduate students dahil nagbabalak silang magbuo ng isang konseho para sa mga graduate students. Wala kasing konseho at representante sa mga komite ng pamantasan. Mabuti na rin naman na magkaroon ngayon ng konseho ng graduate studies dahil dumarami na rin ang mga mag-aaral dito. Ngunit sa unang meeting pa lamang namin, marami na agad problema ang lumilitaw. Unang-una na marahil ay ang mobilisasyon at pakikisangkot ng bawat mag-aaral sa gradwado sa mga gawain ng konseho. Sabi nga ni Dr. Quimpo, ang namumuno ngayon sa graduate services, mahirap talagang gawin ito dahil may mga mag-aaral na kakaunti lamang na mga subject ang kinukuha bawat semestre. Magmi-meeting pa siguro para sa pag-iisip ng ilang batayang kalakaran. Mukhang magiging mahirap ito kung seseryosohin namin.