Linggo, Oktubre 29, 2006

Workshop Sniffles

Pagkatapos ng isang linggo ng matinding katayan, kasiyahan, at puyatan, tinamaan ako ngayon ng sipon. Inaasahan ko na rin naman iyon. Lalong-lalo nga't matindi rin ang puyatan doon dahil sa kuwentuhan.

Sa susunod na lang ako magpo-post nang detalyado. Pero kagaya nga ng sinabi ko pagtatapos kahapon, napakasayang maging bahagi ng isang national workshop lalo na't dahil nakasama ko ang iba't ibang mga bata't baguhang manunulat mula sa iba't ibang mga unibersidad. Nakatutuwang malaman na bahagi ako ng isang bagay na higit na malaki kaysa sa akin.

Bagaman kating-kati na akong magsulat, hindi pa makapagpatuloy dahil nga sa sipon ko. Hindi ko gustong magsulat habang may sakit. Hindi kasi ako komportable at ayokong magsulat habang di komportable. Hindi masayang magsulat habang pasinghot-singhot, inuuhog at naluluha. Mabuti na rin iyon. Mapag-iisapan ko nang mabuti ang kung ano man ang dumating sa aking kokote. Kagaya ng ginagawa ko palagi. Isip-isip lang bago magsusulat.

Gusto ko na nga ring simulan ang pagrerepaso sa mga ipinasa kong kuwento para sa workshop, maliban na lang siguro sa kuwentong kinatay noong Huwebes. Higit na matinding repaso at research ang kailangan kong gawin para doon. Pero, kagaya nga ng sinabi ko, paggaling ko na lang mula sa sipon ko. Pahinga na lang muna.

2 komento:

leia ayon kay ...

Haha, nakakaaliw - lahat tayo may after-workshop blog post =P
- eirene aka sanyata

Unknown ayon kay ...

syempre naman. ang mga ganoong uri ng karanasan ang dapat talagang i-post. :D

-mitch