Lunes, Setyembre 26, 2005
Lindol
Sabado, Setyembre 24, 2005
May Kabuluhan Rin Pala Ang Isang Araw na Wala
Una, binili ko ang "Mythology Class" ni Arnold Arre. Nagustuhan ko kasi yung kanyang "After Eden" kaya binili ko agad ito sa NBS Katipunan. Maganda siya. Nakatutuwa ang kanyang paggamit ng mitolohiya ng Pilipinas. Syempre, kapag pamilyar ka sa iba, mapansin mo ang mga dagdag ni Arre sa kanyang mitolohiya. Kanina ko lang nabili pero nangangalahati na ako. Ganun siya kagaling.
Pinanood ko rin ang "Bayan-Bayanan" ng Tanghalang Ateneo kaninang alas syete. Maganda. Magaling ang pagkasulat. Napaka-subtle ng mga damdamin na ibinabato ng dula. Rollercoster ride of emotions, ika nga.
Paglalakad sa loob ng Ateneo nang ganoong kagabi pagkatapos ng dula, parang ibang mundo ang dinaanan ko. Kita ko ang hamog sa hangin, kitang-kita dahil sa mga ilaw ng poste. Ang lamig sa balat. Ang ginhawa sa baga. Ang sarap-sarap. Sana, ganoon na lang palagi ang hangin.
Huwebes, Setyembre 22, 2005
Isang Banggaan
May nangyaring banggaan sa may kanto ng Shakey’s kanina. Hindi ko talaga siya nakita ang buong pangyayari. Pagdaan ko papuntang McDo, nakita ko na lamang ang isang pulang kotse at isang itim na StarEx na nakatigil sa tabi ng daan. Maraming tao sa eksena, karamihan sa kanila ang, sa tingin ko, sakay ng StarEx. May nakita akong babaeng may kinakausap sa cellphone, umiiyak sa may likod ng kotse. Siya marahil ang nagmamaneho ng kotse.
Pagtawid ng kalye nakita ko nang mas malinaw ang epekto ng banggaan. Hulog ang bumper ng kotse pagkatapos mataamaan ang tagiliran ng StarEx. Mukhang mahirap na basta-basta na lang umalis ang dalawang kotse.
Bakit ko sinulat ito? Wala lang. Nagpapaka-journalist lang.
Miyerkules, Setyembre 21, 2005
Ang Aking Araw
Hindi gaano kaganda ang nakuha ko para sa pagsasalin sa Theo. Ok lang. May ‘second chance’ pa naman e.
Kailangan kong magsulat ng flash fiction para sa FA 111.3. Nagturo si Sir Patino ng mga kailangan naming bigyang pansin para sa aming pagsusulat. Nakatutuwa ang flash fiction. Ewan ko lang kung kaya kong magsulat.
Pumunta ako para sa ikatlong talk ng Kagawaran ng Pilosopiya. Patungkol ang talk sa pilosopiya ng mga Griyego at ang epekto nito sa panulaan nila. Si Dr. Gemino Abad ang speaker. Astig ang lektura. Ang dami kong natutuhan kahit na hindi ako makata.
Martes, Setyembre 20, 2005
Sa Pagka-Cram
May orals pa ako bukas para sa Philo 103 pero hindi pa ako masyadong nakakapag-aral. Ewan ko ba, palagi akong ganito sa mga pagsusulit. Kina-cram ang pag-aaral. Ganyan lang talaga. Basta’t pumapasa.
Parang mabilis ang panahon ngunit hindi. Parang ang daming panahon para gawin ang lahat ngunit pagminsan kumakapos. Tinapos ko kahapon ang nirepasong draft ng concept paper ko. Nagpuyat ako nang kaunti. Minadali ang pagkakasulat. Kulang pa ang aking metodolohiya at framework. Ganyan ang napapala ng nagka-cram.
Gusto ko ang palabas na ‘House.’ Ewan kung bakit.
Sabado, Setyembre 17, 2005
Takot, Kaba, at Lungkot
Natatakot ako. Ewan ko kung bakit. Dahil nariyan na ang katapusan ng semestre? Sunod-sunod na ang mga gawaing kailangang tapusin. At sa bawat proyekto, may pagkakataong pumaltos at magkamali. Dahil ba sa bawat sandali, hindi ko pa rin talaga alam kung saan ako pupunta? Hindi magkalayo ang takot na ito sa kaba. Ano kaya ang sasabihin ng iba? Ano kayang susunod? Ano pa bang lubak ang ibibigay ng buhay?
Kaya nahihirapan akong maging masaya at positibo ngayong mga panahong ito. Ang babaw-babaw. Pero wala akong magawa. Kaya lalo akong nalulungkot. Parang wala akong magawa.
Gayan lang talaga ang buhay. Kailangang sakayan. Umaasa na lamang ako. Kung ito yung tunay na pag-asa na pinag-uusapan ni Marcel, hindi ko alam. Basta’t umaasa ako, anoman ang mangyari.
Martes, Setyembre 13, 2005
Pagpapalamig sa Tuyot na mga Sandali
Gustong kong magsulat. Gusto kong humawak ng papel at bolpen at makitang sumasayaw ang aking mga kamay. Gusto kong ilakad ang aking mga daliri sa ibabaw ng keyboard ng komputer at marinig ang malambot na takatak ng teklado nito habang binubuo ko ang isang likha.
Ngunit walang dumarating. Kaya siguro narito ako, pumupindot-pindot, para marinig man lamang ang mga malalambot na mga takatak. Ngunit hindi ito isang nagbabantang obra maestra. Isa lamang itong pagpapahayag ng isang saloobin dahil wala ako talagang masabi.
Pagkatapos ng natapos kong kuwento noong nakaraang linggo, nahihirapan akong isulat ang susunod kong kuwento. Nariyan na sa aking ulo ang mga ideya, ilang mga tauhan, ngunit hindi siya mabuo-buo. Siguro kailangan ko pa ng mas matagal na pahinga. Masyado ko lang sigurong pinipilit ang aking sariling magsulat. Mahirap pilitin ang pagsusulat. Ganun din, mahirap namang hintaying dumating ang inspirasyon o ang Musa.
Ganyan lang talaga. Kailangang sumakay sa daloy ngunit kailangan ring sumagwan sa dapat puntahan.
Sabado, Setyembre 10, 2005
Patungkol sa Sem at Iba pang mga Alaala
At kahapon halos walang ginawa ang buong klase maliban na lang sa pag-aasikaso sa pagsasalin ng ilang artikulo ng Summa Theologica ni Santo Tomas. Hindi naman sobrang hirap ang gawaing ito (para sa akin).
Patapos na rin ang mga workshop sessions para sa FA 111.3. Ang aking kuwento ang isa sa mga huling kuwentong pag-uusapan. Pagkatapos nito, gagawa raw kami ng mga "flash fiction" o "short short fiction" para maabot ang dalawang kuwento dapat isulat sa klase. Kung hindi ako makapasa dito, ewan ko lang.
Kahapon din ginanap ang unang craft talk para sa fellows. Si Ma'am Beni Santos ang speaker kagabi. Marami akong natutunan kahit hindi ako makata. Lahat ng mga dagdag na kaalaman patungkol sa sining ay katanggap-tanggap.
Pagkatapos ng talk, pumunta ako sa unit na tinutuluyan ni Kae para magpalipas -oras kasama sina Chino at Billy. Ipinakita sa amin ni Chino ang nakakatuwang videogame na "Katamari Damacy." Astig talaga. Marami na akong nabasa tungkol sa larong iyan. Pero noong nakita ko na siya nang personal parang gusto ko tuloy bilhin rin. Pagkatapos, pinanood namin ang "Fear and Loathing in Las Vegas" na binagbidahan ni Jhonny Depp. Nagsimula ang pelikulang bangag si Jhonny, nagtapos rin itong bangag si Jhonny. Yun lang ang masasabi ko.
Miyerkules, Setyembre 07, 2005
Listahan at Iba Pang mga Masasayang Balita
Banyaga (Liwayway Arceo)
Tata Selo (Rogelio Sikat)
Si Ama (Edgardo M. Reyes)
Landas sa Bahaghari (Benjamin P. Pascual)
Bilanggo (Wilfredo P Virtusio)
Ang Kamatayan ni Tiyo Samuel (Efren R. Abueg)
Masaya ang Alitaptap sa Labi ng Kabibi (E. San Juan Jr.)
Anay (E. San Juan Jr.)
Maria Makiling (Eli Ang Barroso)
Fish Dealer’s Tale (Timothy R. Montes)
The Star (Arthur C. Clarke)
Flowers for Algernon (Daniel Keyes)
At Patuloy ang mga Anino (Serafin C. Guinigundo)
May Buhay sa Looban (Pedro S. Dandan)
Kandong (Reynaldo A. Duque)
Arrivederci (Fanny A. Garcia)
Tayong mga Maria Magdalena (Fanny A. Garcia)
Sa Kadawagan ng Pilikmata (Fidel D. Rillo, Jr.)
Syeyring (Jun Cruz Reyes)
Isang Pook, Dalawang Panahon (Evelyn Estrella Sebastian)
Ang iba sa mga iyan ay mga ‘klasik’ na o kaya naman ay bahagi na ng ‘kanon’ ng literaturang Pilipino, kagaya ng ‘Tata Selo’ at ‘May Buhay sa Looban.’ Yun lang dalawa siguro ang nabasa ko na sa listahang iyan. Kapag may oras ako, babasahin ko sila. Kung may alam kayong mga kuwento na sa tingin ninyo ay magugustuhan ko, mag-iwan lang kayo ng mensahe.
Sa ibang balita, naka- 30/30 ako sa midterm sa Theo. Ayos! Manlilibre ako ng mga cookie na binebenta naming mga taga-FA. At katatapos ko rin lang ng aking pangalawang kuwento para sa Practicum. Papakita ko kay Sir Vim bukas. At kung gusto rin ninyong mabasa, sabihin nyo lang sa akin, bibigyan ko kayo ng kopya para mabigyan ninyo ng komento.
Sabado, Setyembre 03, 2005
Pagkatapos ng Isang Madugong Pagsusulit
Isa pang nagpatindi sa aking kaba ay ang isang istudyante na klase bago ng akin na tinuturuan rin ni G. Tejido. Hindi naman sa sinadya kong makinig sa usapan niya at ng kanyang mga kaibigan, pero narinig ko na tinangka niyang mandaya. Ngunit bago pa man niya magamit ang mga "kodigo," nahuli siya ni Sir dahil nakasipit ito sa Bibliya niya bilang "marker." Hindi rin naman sa nagtangka akong mandaya rin sa araw na iyon. Pota, bakit ko pa pinilit ang sarili kong mag-aral at magsaulo kung mandadaya rin lang ako. Nagulat lang talaga ako dahil iyon ang una kong beses na makarinig ng pandaraya sa Ateneo. Nakakalungkot sila.
Sa gitna ng pagsusulit sa klase namin, may nahuli rin si G. Tejido. Narinig ko, habang nag-iisip ng quote mula kay Donal Dorr, na nagpaliwanag at nagmakaawa ang kaklase kong iyon. Agad na kinuha ang kanyang papel at Bibliya at pinalabas siya ng kuwarto.
Pwede akong magpakabait at magsermon pero hindi ko iyon gagawin. May sarili silang dahilan kung bakit sila natuksong mandaya. Sana, may natutunan sila sa pagkakamaling iyon.