Miyerkules, Hulyo 27, 2005

Eksayted

Pasensiya't hindi ako nakapag-post sa mga nakalipas na mga araw. Tinatamad kasi ako. Ganyan lang talaga.

Naayos ko na ang aking immersion. Hindi na ako pupunta sa darating na Biyernes papuntang San Mateo. Nag-sign-up na lang ako sa OSCI para sa isang immersion sa darating na Agosto 19-21.

Kaya bukas ay magkikita-kita ang mga fellows para sa Ika-labing-isang Ateneo-Heights Writers' Workshop. Excited ako. Sobra. Hindi ako makakain ng diretso. Nakakakaba rin dahil nakakahiya ang ilang mga gawa ko, lalo na noong makita ko ang ilan sa mga typo ng mga ito. Medyo naiinis ako. Parang ang sama-sama kong mag-edit. Pero ok lang. Ganyan lang talaga ang buhay.

Nabasa ko na ang ilan sa mga gawa ng mga ka-fellow ko. Ok rin ang iba. Ngunit kagaya ng mga gawa, maaari pang palaguin at pagbutihin.

Wala akong mga klase bukas. Walang-wala. May misa sa umaga kaya walang Practicum. Naurong sa susunod na Martes ang dapat naming ipasa para bukas sa Practicum. Free cut naman sa Philo103 ko sa hapon, wala kasi si Sir Lagliva. Kung hindi ako bahagi ng workshop, marahil nakatunganga lamang ako.

Hindi pa ako nakakapag-impake. May gagawin pa akong assigment para sa FA 111.3. Hindi ko pa masyadong nababasa ang mga readings para sa FA 112.2. Kagaya nga ng sinabi ko, tinatamad ako.

Lunes, Hulyo 18, 2005

BBC NEWS | Europe | Pope hails benefits of holidays

BBC NEWS | Europe | Pope hails benefits of holidays

Kitams! Mismong si Santo Papa, naniniwala sa kagandahan ng isang baksayon! Kaya kayo riyang walang pahinga't walang tulog, magbakasyon kayo! Sabi nila, maganda raw sa Bohol. Totoo ba? Hiking kaya? Hahaha.

Pagpapasya sa Dalawang Mahalagang Bagay

Isang napakasayang sandali, natanggap ako sa Ateneo-Heights Writers' Workshop! Napapasayaw ako ngayon kaya hindi masulat ang post na ito. (sayaw-sayaw-sayaw) Ngunit hindi lamang ako napuno ng saya, sa pagpili sa akin sa workshop na ito, matatapat ito sa immersion para sa Theo 141. Kaya napapamuni ako ngayon. (luksa-luksa-luksa) Immersion o workshop. Immersion o workshop!

Kaya tinanong ako kanina si G. Tejido, ang guro ko sa Theo 141, kung ano ang kailangan kong gawin at malinaw pa rin. "Pumili ka. Workshop o immersion." Ang laking tulong ano? Pero binigyan niyang halaga na nasa akin lamang talaga ang kakayahan para pumili. Pagkarating sa immersion, kung hindi ako sumama sa Hulyo 29-31, maaari akong sumama sa ibang immersion sites o gumawa ako ng sarili kong immersion. Mas "hassle" para sa akin pero magagawa kong maging kabahagi ng workshop.

Gagawin ko talaga ang lahat ang para makadalo sa workshop. Pinaghirapan ko ang mga kuwentong iyan, ano! Hay, talungan sana ako ng Panginoon.

Congrats sa mga natanggap sa Workshop!

Lunes, Hulyo 11, 2005

The Hitchhiker's Guide to the Galaxy

Kakatapos ko lang ng nobelang "The Hitchhiker's Guide to the Galaxy" ni Douglas Adams. Isa itong nakakatuwang mundo (o universe) na puno ng mga tauhang hindi malayo sa mga tao sa ating mundo.

Sinusundan ng nobela ang paglalakbay ni Arthur Dent pagkatapos pasabugin ang Earth para gumawa ng isang hyperspatial express route. Makakasama niya sina Ford Prefect, Zaphod Beeblebrox, Trillian (Trisha McMillan), Marvin, at Eddie the Computer papuntang Magrathea.

Maikli lang ang nobela at nahahati sa maiikling kabanata. Natapos ko lang siya sa loob ng ilang araw. Masasabi kong ang tunay na kaakit-akit sa aklat ay ang mundo (o universe) nito. Hindi ito malayo ang universe sa katotohanan ang hindi ito lubusang ganap at perpekto o lubusang magulo't sira, hindi kagaya ng mga kuwento't librong science fiction. Hindi utopia o dystopia ang universe ng "Hitchhiker's Guide to the Galaxy." Isa lang itong ordinaryong universe na may personalidad kung saan ang mga problema't alinlangin ng mga alien ay kagaya lang sa atin, mayroon nga lang silang spaceship.

Hindi ko masasabing buo ang kuwento ng iisang nobelang ito na sinusundan pa ng apat pang nobela. Kaya mapapansin kong medyo manipis at kulang ang paglalarawan o characterization ng mga tauhan. Mapapatawad ito dahil nga serye siya.

Mayroon akong ilang mga napansing inconsistencies. Halimbawa, kung "Ford" ang pangalan na kinuha lamang ni Ford sa Earth noong naroon siya, bakit 'Ford' rin ang tinawag ni Zaphod kay Ford kung hindi niya alam ang kanyang pangalan sa Earth at mas pamilyar siya sa kanyang lumang pangalan?

Sa likod ng mabilis na mga pangyayari't ilang pagkukulang, isang kaakit-akit na nobela ang "Hitchhiker's Guide to the Galaxy." Isang nakakatuwang pagtingin hindi lamang sa agham, pati na rin sa pilosopiya't teolohiya.

Biyernes, Hulyo 08, 2005

Huwebes, Hulyo 07, 2005

A, Bingi ba Siya?

Weird talaga ni Gloria. Siya ang pinagre-resign, ang kabinete ang inutusang mag-resign. Kakaiba talaga. Hindi sa pinagre-resign ko siya. Hindi pa ako naniniwala na kailangan pa niyang mag-resign dahil kaduda-duda ang mga tapes at kung sino ang gumawa o nagpasimuno noon ay kaduda-duda rin. Pero ang dami nang mga sektor ang nahingi ng kanyang pagbitiw, nagmumukha siya bingi.

Promo on Harry Potter 6
























Larawan (Fine Arts Festival 2006) and Pinoy Harry
Potter
bring you
HARRY POTTER and the HALF-BLOOD PRINCE

reserve the sixth book with us and be the one of
the first to get your hands on the second-to-the-
last installment of the Harry Potter series.

reservation fee is 500.

the big launch will be at fully booked, rockwell.

for reservations, please contact jason
(09192211787) or yumi (09175201700)

spread the word!

Biyernes, Hulyo 01, 2005

Isang Pagmumuni-muni sa Kinabukasan ng Ating Bayan

Maligayang Kaarawan, Yumi!

***

Nakakapang-init ng ulo ang usapan kung dapat bang magbitiw si Presidente Gloria Arroyo at kung sino at paano siya papalitan. Hindi ko inaasahan na magbibitiw agad si PGMA at kaduda-duda ang mga tape na naglalabasang iyan. Tanging ang katotohanan lang ang magpapabagsak kay PGMA at hindi pa lumalabas ang katotohanan.

Ngunit kailangan nating tingnan nang mabuti ang mga pangyayari. Ang mga nangyayari ngayon ay hindi isang problema sa sistema. Ang institusyon ng Pamahalaan ng Filipinas ay isang mabuting institusyon, makatao't makabayan. Ang kabulukan ng mga taong iniluluklok natin sa posisyon ang problema ng sistema natin. Ang mga hindi nararapat ang nananalo. Marahil, kung totoo man ang mga alegasyon, ang mga nangyayari ngayon, at maging noon pa man, ay isang repeksiyon ng katotohanang ito. Bilang mga mamamayang Filipino, hindi natin pinagninilayan ang ating boto, hindi natin pinagninilayan ang ating mga binoboto.

Kailangan nating pagnilayan ang hinaharap, hindi lamang ang mga nangyayari ngayon. Kailangan nating siguraduhin na hindi na muli mangyari ang nangyari noong 2001 at nangyayari ngayon. Una DAPAT na pagbabago ay sa mga partidong pulitikal. DAPAT sa hinaharap ay maging mas representante ang mga partido, mas malapit sa ating mga mamamayan. Hindi lamang sila maging sasakyan ng mga gustong maging Pangulo. Kagaya ng nakagawian, parang mga kabute ang mga partidong pulitikal para sa mga gustong kumandidato. Hindi dapat. Kagaya sa mga tunay na demokratikong pamahalaan sa ibang bansa, ang mga partido nila ay nakatayo sa isang ideyolohikal, moral, sosyal, at ekonomikal na mga paniniwala. Ang mga Democrats ay laban sa mga Republicans dahil nagkaroon ng kampihan. Hindi. Mayroong mga paniniwalang sinasaligan ang bawat mga partido at kalimitan ay magkasalungat ang mga paniniwalang iyon kaya nagkakaroon ng mga tambalan. E, dito? Pare-pareho lang ang mga partidong iyan. Pare-pareho lang ang ibinobola sa mga mamamayan. Masasabi na lang natin na mas wais ang isang panig kumpara sa isa.

Isa pang DAPAT ay pagbabago sa sistema ng eleksiyon. Itigil na ang tawagan sa telepono sa pagitan ng mga kandidato't komisyoner. Dapat ipagbawal ang ganyang sistema. Mabubuksan ang pinag-ingat-ingatan nating sistema na halalan sa tukso ng pandaraya. Isa pa, DAPAT ay hindi nakailangang isulat ang boto. Kahit larawan man lang o kaya ay nakalagay na ang pangalan sa papel kung saan ilalagay ang boto. Mamarkahan na lang ng ekis o tsek. Para sa ganoon, hindi malaki ang lamang ng mga mayayamang kayang gumasatos ng milyon-milyon sa komersiyal. Hindi mo na kailangang sauluhin ang pangalan ng mga kandidato at pumili. Mas may oras ang mamboboto para pagnilayan kung sino nga ba talaga ang mga kandidatong ito kaysa nakatutuk lamang sa mga pangalang matatandaan. Isa pang DAPAT sa reporma sa eleksiyon ay ang pagbabago ng majority-rule. Kahit na mahal, mas pabor ako sa isang sistemang run-off. Kung walang nakakuha ng 50% ng boto sa unang prelimenary voting, may second round kung saan ang dalawa o tatlong nangungunang kandidato ay maglalabanan muli. Sa sistemang ito, hindi kaduda-duda ang mandate ng magiging pangulo dahil nakuha niya ang tiwala ng higit 50% ng mamamayan. At hindi lamang 30% o 40%.

Ilan lang iyan sa mga DAPAT na gawin. Marami tayong ayusin ngunit ito marahil ang pinakamahalaga. Labas pa sa mga repormang ito ang ekonomikal na pagbabago. Masasabi ko lang, aasenso tayo kung ang ating mga pinuno'y matino. Naniniwala ako sa sistema nating demokratiko, kailangan lang nating pag-igihin na maging TUNAY na demokrasya.