Hindi ko inaasahan na may pumapansin pa pala sa blog kong ito. Ako mismo'y hindi ko na ito masyadong pinapansin. Malaking panahon na ang pumapagitan sa pagitan ng bawat post. Hindi tulad noon na halos makalawa kundi man araw-araw ay nagpopost ako ng isang blog. Halos wala na talaga sa kamalayan ko ang blog na ito. Sinisi ko ang pagkabagot sa pagsusulat ng blog entry. Sinisisi ko ang pagdating Facebook at Twitter sa kawalan ko ng interes dito. Sinisisi ko ang trabaho dahil nawawalan na ako ng oras na maaaksaya para magsulat ng mga napakanarsisistikong mga sulatin. Kaya iyong may makahalungkat pa ng isang post na hindi ko na halos maalala ang mga pinagsusulat ko'y sa isang banda'y nakakatawa at sa isang banda'y nakakailang.
Siguro nga'y kailangan kong magpaumanhin kung naging maanghang ang aking pananalita o masyadong simplistiko ang aking pag-iisip. Ngunit hindi pa rin naman nalalayo ang ilan kong paninindigan ngayon sa nasulat ko noon halos pitong taon na ang nakaraan. Kailangan ko sigurong palaguin ang aking mga ideya nang may hinahon at hindi maging padalos-dalos tulad noon at maging pagkakataon sana ito, hindi lamang sa mga nagbabasa ng blog at post na ito, kundi sa sarili ko na rin sa ngayon, na mabuo ang aking mga saloobin at paninindigan. At paumanhin kung hindi ko masasagot ang lahat ng punto dahil na rin sa paghihikahos ko sa panahon.
Unang-una, nahihirapan pa rin akong itawid ang argumento ng SOLFED (Save Our Languages Through Federalism) sa paggamit ng federalismo para protektahan at pangalagaan ang mga marhinalisadong kultura't wika. Nauunawaan ko ang intensiyon na nais ng SOLFED pero nahihirapan pa akong ipagtagpo ang larangang politikal (federalismo) sa larangang kultural (multi-linggualism at multi-culturalism). At ang tinutukoy kong politikal dito'y estruktural, ang pamahalaan at ang sistema ng pamahalaan, at hindi pa sa (nahihirapan akong maghanap ng salita) esensiyal(?), pamamaraan(?), buhay(?). Ang tinutukoy kong esensiya ng politika ay demokrasya. Walang saysay ang pagkakaroon ng isang estrukturang politikal kung hindi naman nakikibahagi ang mga mamamayan ng isang bansa sa mga institusyon nito. Makikita na lamang ito sa mismong kalagayan nating politikal. Tuwing bumoboto ako (isang aspekto lamang ito ng demokrasya at hindi ang natatangi o ang kabuuan nito) lagi-lagi akong nakakaramdam ng pagkukulang, ng pagkatiwalag. Maraming posibleng dahilan ng pagkatiwalag ko pero maaaring ang isa dito'y ang pagiging literal na banyaga o angkat ng "demokrasya" na ito. Dahil "ginabayan" ng Amerika, maaaring ipinataw sa atin ang mga halagahan (values), kung tutuusi'y, banyaga't Kanluranin. Natatakot ako na baka isa pang uri ng "pag-aangkat" na hindi bagay sa karanasan ng bansa natin ang gawin o mangyari sakaling tumungo nga tayo sa federalismo bagaman nauunawaan ko na tinatangka ng SOLFED na tawirin ang posibleng guwang na ito.
Mahirap punahin ang federalismo gayong hindi pa ito naipapataw sa buong bansa. Ngunit natatakot ako na maging lunsaran ng hidwaan at pagkakawatak-watak sa halip ng pagkakabuklod ang federalismo. Ngunit hindi ko na ito nakikita bilang nakaugat sa kultural na pagkakaiba. Maaari naman ngang magkaisa sa harap ng pagkakaiba. Natatakot ako na gamitin ang federalismo ng mga indibidwal (o pamilya) upang makakuha ng higit na kapangyarihan. Hindi natin maikakaila na nananatiling limitado ang politika ng bansa sa iilang pamilya, sa iilang dinastiya. Gusto kong iugnay ito sa "pangingialam" ng mga Amerikano sa politika natin bagaman mababanaagan na rin ito kahit pa sa rehimen ni Aguinaldo nang maging dominante ang mga mayayaman at maylupa sa Kongreso ng Malolos at maging sa Philippine Commission. Ito na siguro ang paglabas ng aking pagiging pseudo-Marxista. Hindi na kultural na pagkakaiba ang problema ko sa posibleng pagkakawatak ng bansa dahil sa federalismo, uri at pansariling interes ng iilang politiko ang maaaring maging problema ng federalismo. Na baka magtapos ito sa "pamumulitika" at hindi sa pag-aangat ng kultura't wika ng iba't ibang rehiyon. Sana nga'y maging instrumento ang federalismo upang mapaluwag ang kapit ng iilan sa mga institusyon ng kapangyarihan ngunit hindi ako kumbinsido na ito nga ang mangyayari. At sana nga'y makatulong ang mga organisasyong tulad ng SOLFED sa pagpapalaganap ng demokrasya, ng higit na pakikisangkot ng mga taong matagal nang naetsa-puwera sa mga dapat sana'y institusyon ng demokrasya.
At dito ako sumasang-ayon sa SOLFED (o sana'y maging punto ng pagtatagpo), ang pagpapahalaga sa isang higit na malalim na uri ng demokrasyang nakaugat sa karanasan ng lahat ng mamamayan. At sa ganitong punto'y nagiging mahalaga nga ang wika bilang artikulasyon ng mga kaisipan at saloobing nakaugat sa karanasang ito. Kaya't bukas ako sa pagpapalaganap ng DepEd ng Mother Language o Mother Tongue program sa mga paaralan. Maging lunsaran sana sa hinaharap ang programang ito sa pagpapatatag ng bansa dahil higit nilang nauunawaan ang sariling pag-iisip at nabibigyan ito ng laman at pahayag sa sariling wika.
Ngunit hindi maikakaila ang pananatili ng aking pagkiling para sa pagkakaroon ng isang "pambansang wika" na gagamitin upang makipagtalastasan sa mga kababayan sa ibang rehiyon. At dito ako di sumasang-ayon sa pagkiling ng ilang miyembro ng SOLFED para sa Ingles. Si Bobit Avila ang alam kong may ganitog paniniwala dahil sa nababasa ko ang kaniyang column sa Philippine Star. Hindi ako naniniwala na neutral na wika ang Ingles dahil na nga sa karanasan natin ng kolonisasyon sa ilalim ng mga Amerikano. Dahil ginamit ang wikang ito sa pagtatangkang burahin o pahinain ang ating pagkakaunawa sa sarili, upang ilayo ang pagkakaunawa sa sarili gamit ang sariling wika. May mga naniniwalang inangkop na natin ang wikang Ingles, na atin na rin ito. At kitang-kita ito sa kultura pa lamang na laganap sa institusyong bahagi ako ngayon bilang guro. Malayo ang kamalayan ng mga mag-aaral ng Ateneo de Manila sa realidad sa labas ng pamantasan. At sintomatiko ang pagkiling ng ilan sa wikang Ingles sa ganitong pagkatiwalag. Guro ako ng panitikan at naging guro na rin minsan ng isang kurso sa Creative Writing. Malay ako sa pagkatiwalag ng maraming batang mag-aaral ng panitikan sa sariling panitikan at kultura dahil sa malalim na Kanluraning pag-iisip. At hindi miminsang pinanghihinayangan ko bilang guro ng panitikan na higit na ninanais ng mga batang manunulat na sumunod sa tradisyon nina JK Rowling, George R.R. Martin, at John Green sa halip na sumunod sa tradisyon ni Amado V. Hernandez, Lazaro Francisco o Rogelio Sicat. At maisip pa kaya nila na sundan ang hinawang tradisyon nina Marcel Navarra, Ramon Muzones, o Iluminado Lucente? Hindi naman ito masama, nakapanghihinayang lang. Kaya't ayokong mangyari sa buong bansa ang paminsan-minsan kong nakikita sa Ateneo. Ngunit maaaring hindi makatwiran ang naunang pangungusap dahil maliit na espasyo ang Ateneo habang napakalawak ng bansa. wika nga nila, iba ang dynamic ng micro sa macro. Maaaring natatangi ang konteksto ng Ateneo kumpara sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas. Maaaring iba ang konteksto ng kolonyalismong Amerikano noon sa konteksto ngayon. Sa aking isip, nasa na uri ang problema na ito bukod pa nga sa humihinang pagpapahalaga sa panitikang nakasulat sa iba't ibang wika sa Pilipinas. Sa ganito'y mas gugustuhin kong igiit ng SOLFED na gumamit ng isa sa mga wika sa Pilipinas tulad ng Cebuano, Iloko, o Hiligaynon sa halip ng Ingles. Tuwing pumupunta ako sa ibang bansa, inggit na inggit ako sa mga tindahan ng libro na minoridad ang mga librong nakasulat sa wikang Ingles. Inaasam ko ang pagdating ng panahong ito rin ang kaso sa mga tindahan ng libro dito sa Pilipinas. At alam kong ito rin ang pinapangarap ng mga miyembro ng SOLFED na nasa larangan din ng pagsulat. Na punuin ang mga tindahan ng libro ng mga librong nakasulat sa sariling wika. Ito, sa tingin ko, ang magiging tunay na tanda na hindi namamatay ang panitikan sa sariling wika kasama na ang sariling wika. Na nakakapaglathala ng dose-dosena, kundi man daan-daang libro taon-taon. Na makapagsulat ng mga awit sa sariling wika. Na makapagpalabas ng mga pelikula sa sariling wika. Sa isang malagong kultural na buhay, katuwang sa isang malagong demokrasya, ay lalago ang lahat ng mga panitikan at mga wika sa Pilipinas.
Kailangag linawin ang aking personal na posisyon sa kamakailang pag-uutos ng KWF na ipataw ang pagbabagong gawing "Filipinas" ang "Pilipinas". Siguro sasang-ayon ang mas batang ako na nagsulat ng naunang blog post sa ginawang ito ng KWF (Komisyon sa Wikang Filipino). Ngunit nababagabag ako ngayon sa ginawang ito ng KWF. Naghuhumiyaw ang mga tanong: Filipinas nino? Kaninong pagkakakilanlan sa bansa ang binibigyang-artikulasyon ng pagbabagong ito? At nababagabag ako na maaaring hindi na ito "akin" o "atin". Na ang ideya ng "Filipinas" ay "kaniya" o "kanila". Oo, kailangang "kathain" ang bansa ngunit mahirap itong kathain kung iisa lamang o iilan lamang ang awtor. Kung ang pundasyon (dapat) ng isang bansa ay pagkakaroon ng demokrasya (ulit, demokrasya kung saan nakikisangkot ang mga mamamayan nito sa "pagkatha" ng bansa), mahirap sabihing demokratiko ito kung pautos o nang-uutos ang diskurso. Maaaring bukas ang KWF na makipagtalastasan tungkol dito ngunit nagiging pautos ang dating sa akin at maaaring sa marami pang iba kaya't napakamadamdamin ang reaksiyon ng mga tao. Ngunit caaminin kong hindi ako dalubhasa kung bakit dapat gamitin ang "Filipinas". Dati ko na rin itong ginamit ngunit ngayo'y nahihirapan akong panatilihin ang paggamit nito dahil nananatili itong malayo sa pang-araw-araw na karanasan at pagpapahalaga ng ordinaryong mga mamamayan sa ating bansa. Maaari pa rin naman akong makumbinsi ngunit sa ngayo'y hindi pa rin ako lubos na kumbinsido sa pangangailangan o karapatan na baybayin ang pangalan ng bansa bilang "Filipinas".
Nagpapasalamat ako sa mga sagot ng mga tao, taga-SOLFED man o hindi. At nagpapasalamat ako na ngayon lang talaga nagkaroon ng malinaw na sagot sa aking mga naunang sinabi dahil siguradong magiging mainipin ang batang ako at di hamak na higit na hindi dalubhasa. Ngunit nananatili ang ilang mga paninindigan sa akin at mahirap na itong mabago ngunit sa pag-aaral ko ng Philippine Studies, bukas ako sa mga bagong kaalaman at sa gayo'y bukas rin sa mga pagbabago. Naging katangi-tangi ang naging klase ko sa ilalim ni Dr. Vicente Villan. Kabisayaan, partikular na ang isla ng Panay, ang pangunahing pagkadalubhasa ni Dr. Villan. Naipakita niya sa akin ang yaman, lalim, at lawak ng kulturang Bisaya. Ngunit bagaman may nababanaag akong kaunting pagkainis mula sa kanya dahil sa dominasyon nga ng diskursong Tagalog sa diskurso ng pagsasabansa, malinaw na ang kaniyang tunguhin ay mag-ambag hindi lamang tungo sa pagpapatatag ng kabihasnang Bisaya kundi pati na rin sa pagpapatatag sa kabihasnang Filipino. At nananatiling bukas si Dr. Villan sa ibang mga wika't kultura tulad na lamang nang minsan niyang maikuwentong gusto niyang tutukan ang kultura't wikang Iloko. Hindi ko maikakaila ang paghanga ko sa kaniya at sana'y makaambag din ako sa pag-unawa ng kabihasnang Filipino tulad ng ginagawa niya at marami pang mga guro't mag-aaral tungkol sa Pilipinas. Naniniwala pa rin ako sa bansang ito na unang isinaisip ng mga tulad ni Jose Rizal. At siguro'y hindi na iyon magbabago sa akin.
Kaya't buong pagpapakumbaba akong nagpapaumanhin at buong pagpapakumbaba akong nagpapasalamat. Nagpapaumanhin ako't isinulat ko ito sa Filipino (o Tagalog at hindi ko naman ito ikakaila). Ang pagkakamali ko siguro noon ay isinulat ko ang mga ideya sa isang wikang hindi naman talaga ako bihasa at maaaring nagdulot iyon ng ilang di-pagkakaunawaan o pagkakamali sa aking bahagi. Isa akong Tagalog. Higit na ispesipiko, nagsusulat at nagsasalita ako sa Tagalog-San Pablo. Hinding-hindi mawala ng diyalekto kong ito kahit ilang taon na ako sa Quezon City. Dala ko pa rin ang kakaibang Tagalog na ito na kaiba sa standard na Filipino. Ito ang wikang alam ko. Pero alam kong ito ang wika't diyalektong babalik-balikan ko. Ito ang aking wika. Hindi ko alam kung ito rin ang saloobin ng mga taga-SOLFED para sa kanilang sari-sariling wika pero kung ganito nga, baka unti-unti dumating ako sa pagkakaunawa sa kanila.
Ulit, maraming salamat sa pakikipagtalastasan pero hanggang dito na lamang siguro muna ako. Kung may mga puna pa sa mga sinabi ko ngayon, tatanggapin ko ang lahat ng ito nang maluwag ngunit magpapaumanhin na rin ako dahil maaaring hindi ko masagot ang lahat ng mga puna dahil na rin sa sariling pagkukulang lalo na sa oras at kaalaman. Babalikan ko na lang siguro ang mga puna at ang mismong isyu na ito kapag lumipas na ang pito pang taon, kapag may higit na akong naiambag sa kabihasnang Filipino.
Hanggang sa susunod, maraming salamat.
Biyernes, Agosto 09, 2013
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)