Biyernes, Mayo 10, 2013
Ang Seryosong Gawain ng Pagpapatawa ni Vice Ganda at ang Politika ng Pagtawa
"Gusto ko president ako agad. 'Yung wala kang background, pero mataas agad. Parang 'yung mga pulitiko lang ngayon. Walang background, pero senador agad."
Matalas ang joke na ito ni Vice Ganda. Sa katunaya'y hindi ito nalalayo sa pagpapatawang ginagawa niya sa comedy bar. Iyong pinipintasan niya ang hitsura ng mga tao. At hindi naman makapalag ang mga taong napagtitripan kasi iyon naman ang totoo. Totoong mataba ka. Totoong mahaba ang baba mo. Totoong maitim ka. Totoong nakakalbo ka na. Ang ipinagkaiba lamang ng joke na ito kay Nancy Binay at sa madalas na pagpapatawa na ginagawa ni Vice sa comedy bar at sa mga palabas niya ay game ang mga manonood at panauhin. Sa kasamaang palad, hindi game si Nancy Binay.
Tulad ng sinabi ko, matalas ang joke ni Vice Ganda dahil nakabatay ito sa pinaniniwalaan niyang katotohanan. Na manipis naman talaga ang resume ni Nancy Binay sa larangan ng serbisyo publiko. At gusto niyang pagtawanan ang katotohanan ito tungkol sa realidad ng politika ng Pilipinas--ang dominasyon ng mga politikal na pamilya.
Hindi pa sanay ang mga Filipino na tingnan ang mga komedyante bilang mga intelektuwal. Na madalas na tinitingnan ang pagpapatawa na kaugnay ng gaan at dahil doo'y di dapat serysohin. Na ang tawa ay isang damdaming hindi pinag-iisipan. At kadalasan nga'y ganito naman talaga ang pagpapatawa ni Vice Ganda, na gawing magaan ang mga bagay-bagay. Na magpagaan ng mga damdamin. Ngunit nauunawaan ni Vice ang higit na seryosong gawain ng pagpapatawa upang punahin ang kapangyarihan ng namamayaning uri.
Madalas kaligtaan ang siste't palabirong katangian ni Rizal. May anekdota tungkol kay Rizal nang nasa isang art gallery siya sa Paris ay napagkamalan siyang Hapones. Sa halip na mainsulto, pinagtripan niya ang mga taong iyong napagkamalan siyang Hapones at naging gabay nila sa mga eksibit ng sining mula sa Hapon. Madalas din nating makaligtaan ang matalas na pagpapatawa na ginawa ni Rizal sa kaniyang mga nobela. Sa kabila ng mabigat na melodrama sa Noli at Fili, hindi kinaliligtaan ni Rizal na pagtawanan ang lipunan at sistemang kaniyang binabatikos.
At sa ganitong tradisyon gumagalaw si Vice Ganda. Sinabi ko na noon sa mga klase ko na magaling at matalinong komedyante si Vice Ganda. Nakapanghihinayang lamang na hindi niya lubos na naipapakita ang talas at lalim ng kaniyang pagpapatawa't pag-iisip dahil sa pagnanasa niyang maging popular. Ngunit bago pa man bitawan ni Vice Ganda ang kaniyang joke tungkol kay Nancy Binay, malay na ako sa kakayahang pagtawanan at punahin ang sistema't namamayaning uri sa kaniyang mga stand up, lalong-lalo na sa kaniyang mga concert. Napanood ko ang naunang dalawang concert ni Vice Ganda. HUwag matawa. "Napilitan" akong panoorin ang mga concert niya dahil matagal nang fan ang mga kapatid ko ni Vice. Bago pa man siya naging popular sa Showtime, talagang hinahanap-hanap ng mga kapatid ko ang mga palabas ni Vice sa mga comedy bar noon. At sa pagitan nga ng mga ispektakulong song and dance number ay magpapatawa si Vice. Iyong mga joke tungkol sa pang-araw-araw at karaniwan na mga bagay--sa mga kapwa artista, sa kaniyang buhay, at, oo, sa mga politiko. At dito ako nakumbinsi sa talas at talino ni Vice. At sa mga pagpapatawang iyong pinupuna niya ang mga mali sa lipunan ng Pilipinas, nanghihinayang ako kasi hindi nga ito madalas makita sa It's Showtime, Gandang Gabi Vice, at maging sa kaniyang mga pelikula.
Kaya't natutuwa ako, bukod pa sa natatawa ako, sa joke ni Vice tungkol kay Nancy Binay. Matalas ang puna. Itinatanghal ang kabalintunaan ng politikal na realidad ng Pilipinas. Nakakatawa dahil totoo. Nakakatawa ngunit masakit dahil nga totoo.
Matapang din ang joke. Pagtawanan mo ba naman ang anak ng Bise Presidente at, kung totoo nga ang direksiyong tinatahak ng mga survey, magiging Senador sa susunod na anim na taon. Matapang dahil lumalagpas na ito sa madalas na ginagawang joke ni Vice sa mga palabas niya. Itinutulak at pinalalawak nito ang hanggahan ng pagpapatawa, kung ano ang puwedeng pagtawanan. Lagpas na ito sa pagtawa sa mga pisikal na kapintasan. Lagpas na ito sa pagtawa sa mga bobong tanong. Hinihiling ng joke na pagtawanan natin ang mga makapangyarihan, pagtawanan ang ating politika, pagtawanan ang mga mali sa ating lipunan, pagtawanan ang ating mga sarili. Hinihiling ng joke, pagkatapos nating tumawa, kung bakit ang sakit-sakit at ang bigat-bigat ng pakiramdam kahit na tumawa o tumatawa ka.
Pero maganda't mabuti rin ang ganitong uri ng tawa kasi nga pinaaalalahanan tayo sa ating realidad. Pinaaalalahanan tayong kailangan natin ng mga katulad ni Vice Ganda upang paalalahanan tayong may nakakatawa sa ambisyong walang laman, sa politikang walang lalim.
Ipagpatuloy pa sana ni Vice ang ganitong uri ng pagpapatawa at maging mas consistent. Sabayan pa sana niya ang pagpapatawa't pagpunang, sa ngayon, si Lourd de Veyra at ang kaniyang mga kasama sa "Word of the Lourd" ang palaging gumagawa. Sa ganito'y lumalawak ang usapin at diskurso ng politika. Na gamit ng pagpapatawa, maaaring maisangkot ang ordinaryong mamamayan sa usaping madalas ay hindi sila isinasali kasi "pangmatalino" ito.
At sa ganito'y binabago rin ng ganitong uri ng pagpapatawa ang gawi ng mga politiko. Kung handa ang mga politikong makipagsayawan sa mga sexy na dancer o kumanta ng mga jologs na kanta nang sintunado, maging handa rin sana sila sa matatalas na joke mula sa mga matatalas na komedyanteng tulad ni Vice Ganda. At huwag sanang matakot si Vice na itulak ang hanggahan kung ano ang nakakatawa. Kasi kahit na malaos siya, kung mananatili siyang matalas at matapang, hinding-hindi mawawala ang halaga niya hindi lamang sa larangan ng showbiz kundi pati na rin sa kamalayan ng Filipino.
Pero sa ngayon, huwag na muna siyang mag-joke tungkol kay Jack Enrile. Mabuti na ang sigurado. (Oo, joke iyon.)
Pero go lang nang go, Vice. Go lang nang go.
Mga Pinagsanggunian:
http://www.abs-cbnnews.com/entertainment/05/07/13/senador-agad-vice-ganda-twits-nancy-binay
http://www.abs-cbnnews.com/video/entertainment/05/08/13/vice-ganda-nancy-binay-senador-agad
http://www.abs-cbnnews.com/entertainment/05/09/13/i-had-20-year-ojt-nancy-binay-tells-vice-ganda
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)