Martes, Nobyembre 29, 2011

Rebyu: City Lights

Taon: 1931
Direktor at manunulat: Charlie Chaplin

Sinusundan ng pelikulang ito ang klasikong karakter ni Chaplin, ang Tramp, nang dumating ito sa lungsod. Makikilala niya ang isang bulag na babaeng nagbebenta ng bulaklak at iibig dito. Sa kanyang paglalagalag din sa lungsod, makikilala rin ng tramp ang isang mayamang lasenggong iniligtas niya sa pagpapakamatay nang minsang masobrahan ito sa kalasingan. Aakalain ng bulag na babae na isang mayaman ang tramp. Ang tramp nama'y aakuin ang pagkataong ito para lamang mapalapit sa bulag na babae. Gagamitin niya ang pakikipagkaibigan sa mayaman upang mapalapit sa bulag na babae. Gayundin ay magtatrabaho sa iba't ibang uri ng trabaho upang mapanatili ang ilusyon ng pagiging mayaman upang matulungan ang pinansiyal na problema ng babaeng bulag. Kaya't hindi perpektong karakter ang tramp. Ngunit sa likod ng kanyang kapayakan, sa pagiging mahirap, hindi edukado, at kulang sa "kultura", (puno ang pelikula ng mga eksena kung kailan kasama niya ang milyonaryo sa iba't ibang pangmayaman na gawain at kitang-kita ang hindi pagiging bagay ng tramp doon) ay isang mabuting hangarin lalo na para sa bulag na nagbebenta ng bulaklak. Madalas na binabasa ang karakter na tramp ni Chaplin bilang simbolo ng naiisantabi't naetsa-puwera ng lipunan ng Amerika. Ngunit sa pelikulang ito, ang naisantabi ang nasa sentro, at ang sentro'y inilantad sa kanilang kababawan at kakulangan.

Huwebes, Nobyembre 24, 2011

Kung Bakit Hindi Ako Sang-ayon na Kalimutan si Epifanio de los Santos

Naaalala pa ba natin kung sino si Epifanio de los Santos? Sino nga ba siya? Bakit ba ipinangalan sa kaniya ang isang abenidang puros perwisyo sa nakararaming motorista? Isa siyang makabayang intelektuwal. Nagtatag siya kasama ng iba ng isang pahayagan sa kasagsagan ng rebolusyon. Bilang isang kritiko, malaki ang ambag niya sa pagtatanghal ng kagalingan ng mga Filipino sa larangan ng sining. Naging aktibo rin siyang politiko (mas administrador, sa totoo lang, ng iba't ibang institusyon tulad na lamang ng mga paunang institusyong sinundan ng National Library at National Museum sa kasalukuyan) noong panahon ng Amerikano. Nakalulungkot lamang at karamihan ng kanyang isinulat ay nasa wikang Kastila at karamihan ay hindi pa muling naisasalin sa Filipino o Ingles. Kaya't nakalulungkot na madali siyang makalimutan. Na alam lamang natin ang kanyang pangalan dahil sa abenidang dinaraanan ng mga kotse, MRT at paminsan-minsa'y ginaganapan ng mga rebolusyon. Gusto kong magbaliktanaw tayo, iyong tunay na pagbabaliktanaw at hindi lamang pagpapasentimental para sa politikal na pagsipsip. Itanghal din natin ang mga tulad ni Epifanio de los Santos na nagbuhos ng lakas at isip para ikabubuti ng Pilipinas.

Narito ang link sa isang maikling talambuhay ni Epifanio de los Santos.
http://tl.wikipedia.org/wiki/Epifanio_de_los_Santos

Narito naman ang link sa isang sanaysay na isinulat ko para sa isa sa mga undergrad electives ko noong 2004 tungkol sa kanyang librong "El Teatro Tagalog".
http://bagongpook54.blogspot.com/2004/12/isang-pag-unawa-sa-tagalog-theater-ni.html