Simboliko ang mga kotse bilang tanda ng mobilidad, binibigyan ng kakayahan ang may-ari nito upang makarating sa kahit saang gustuhin nila. Hindi na kailangang magsiksikan sa MRT o LRT. Hindi na kailangang mainitan at mausukan sa mga dyip at traysikel. Hindi na kailangang sumakay sa mamahalin (kumpara sa dyip at MRT/LRT) na taxi. Sa kay ng iyong sariling kotse, kailangan mo na lang magsiksikan sa nagsisikip na mga kalye.
Ang Tsina ang pinakalumalagong bansa pagdating bentahan at bilihan ng kotse at inunahan na ang US bilang pangunahing domestic buyer ng kotse noong 2008. Iniuugnay ang paglagong ito dahil sa lumalagong middle class at ekonomiya ng Tsina. Tinitingnan sa Tsina, maging sa ibang mga bansa tulad sa Pilipinas, ang pagkakaroon ng kotse bilang isang status symbol. Mataas ang tingin sa Tsina ng mga kotseng may tatak ng isang US car company. Tinitingnan nga ng mga US car companies ang merkado ng Tsina bilang posibleng magsasalba sa kanila mula sa pagkalugi (na ikinadidismaya ng mga politiko ng US dahil sa bilyon-bilyong ipinasok sa mga kumpanya'y pinipili ng mga car companies na sa Tsina mag-expand sa halip na sa US). Sa Pilipinas ngayon, wala namang kakaibang pagtingin sa mga brand ng kotse. Ang mahalaga'y mayroon kang kotse.
Paano ba maaaring unawain ang sensational na pagtrato ng kamakailang pagnanakaw ng mga kotse, pangingidnap at kalauna'y pagpatay sa mga may-ari ng mga kotse? At bakit kotse ang pinili ng mga sindikatong ito? Ano ang ipinakikita ng mga balitang ito ang kabuuang kamalayan ng Filipino para sa kotse?
Kung tutuusin, hindi marahil malalagay sa headline ang mga carnapping kung wala itong kasamang pagpatay. Pinaniniwalaan na isang malawakang sindikato ang carnapping sa Pilipinas na maaaring bahagi ang ilang tauhan ng LTO. Malaking negosyo ang carnapping dahil malaki ang demand para sa kotse. At maaari itong tingnan bilang isang walang katapusang pag-ikot dahil hangga't may pagkahumaling ang mga tao sa kotse, hindi mawawala ang kriminal na aktibidad upang mapuno ang tila fetisismo para sa kotse.
Ipinamumulat ng mga krimeng ito sa sariling fantasya ng Filipino para sa kotse. Inaatake ng mga krimeng ito ang pangarap na inaasam ng maraming Filipino, lalo na ang gitnang uring Filipino. Inaatake nito ang mga imahen ng kotse na makikita sa mga komersiyal para dito. Una'y inaatake ang imahen nito bilang pangalawang tahanan para sa pamilya (makikita ito sa komersiyal ng mga van na kotse na pamilya ang target market), isang behikulong mangangalaga sa mga bata sa kanilang paghatid at pagsundo sa iba't ibang lugar. Pangalawa'y inaatake ang imahen ng kotse bilang behikulo ng pakikipagsapalaran (makikita ito sa mga sports car at maging sa mga off-road na mga kotse), isang behikulo na nagbibigay sa may-ari nito ng kapangyarihan ng bilis o ng kakayahang magtungo sa mga lugar kung saan hindi madaling makapupunta ang pangkaraniwang mga kotse. Sa harap ng mga krimeng ito, hindi ligtas ang kahit sino man sa krimen. Hindi nakapagbigay ang kotse ng bilis upang makatakas ang mga biktima. At tanging pakikipagsapalaran na natamo ng mga biktima ay tungo sa kamay ng mga kriminal.
Sa post-apocalyptic na mga pelikula ng "Mad Max", ang mga kotse'y ginawang mga sandata. Mistulang tangke o cocoon ang mga ito sa harap ng unti-unting pagkasira ng lipunan. Hindi ito imahen sa mga kotse ng mga naging kamakailang biktima ng carnapping. sunog at iniwan sa kung saang lugar. Maihahambing ang mga sunog na labi ng mga kotse na ito sa mga kotseng naaksidente bagaman mas mabigat sa damdamin ang una kaysa sa huli dahil sinadya.
Ginigising tayo ng mga krimeng ito mula sa fantasya ng kotse. Na hindi lamang ang mga tumatawid ng kalye nasa palagiang peligro kundi pati ang mga nakasakay sa mga humaharurot na kotse. Hindi sapat ang mga seatbelt at airbag kung ihaharap sa bangungot ng krimen. At ito ang binibigyang-tuon ng media at sinusubaybayan natin ang balita kung saan na patungo ang lahat.