Sabado, Disyembre 27, 2008

Lugon

1.

Habang naghahanda bago muling gumala ng Macau, nag-usap kami ni Dad tungkol sa buhok. Partikular, tungkol sa unti-unting pagkalagas ng buhok ko. Ginamit niya ang salitang "lugon". "Nalulugon na nga ang buhok mo," sabi niya. Mukhang iyon ang salita para sa paglagas ng buhok. Ewan ko kung Timog Tagalog itong salita o Hilaga. (Tubong Binangonan si Dad.) Iyon kasi ang una kong beses marinig ang salita. Kung ano man, pinayuhan niya akong gamitin ang kanyang ginagamit na shampoo na Mane and Tail na pinaniniwalaan niyang dahilan kung bakit hindi pa siya kalbong-kalbo. (Sa mga hindi nakikilala nang personal si Dad, halos wala na siyang buhok liban sa mga maninipis na hibla at kitang-kita ang kanyang makintab na anit.)

Ito ba ang tanda ng pagtanda, kapag pinag-uusapan ninyong mag-ama ang tungkol sa paglugon?

2.

Isang bago kami umalis nang matapos ko ang "Sigwa", ang mga kalipunan ng mga maiikling kuwento na ni-reprint kamakailan ng UP Press. Babad ang mga kuwento sa uri ng pananaw-panlipunan ng mga panahon iyon ng Dekada 60-70. Maraming mga magagandang kuwento sa kalipunan ngunit hindi ko maiwasang maraming pag-uulit sa pagitan ng mga kuwento. Pala-palaging may pagmulat. Pala-palaging may rally. Pala-palaging may pangako ng pagbabago.

3.

Sa Diosdado Macapagal Airport ko natapos basahin ang "The Brief and Wonderous Life of Oscar Wao" ni Junot Diaz. HIndi ko intensyon na basahin ito nang bilhin ko ito sa National Bookstore. Pero nang basahin ko ang mga unang pahina nito, hindi ko maiwasang magpatuloy at basahin ang mga sumunod na mga pangyayari. Mapnlinlang ang pamagat dahil aakalain mo na tungkol lamang ang nobela kay Oscar, isang overweight Dominican nerd. Ngunit sinasakop nito ang kuwento ng pamilya ni Oscar sa Dominican Republic hanggang Amerika at ang kasaysayan ng Dominican Republic.

May magandang magsusuma at pagmumuni si Egay Samar sa kanyang blog tungkol dito kaya ayoko nang ulitin ang kanyang mga sinabi. Nakakaengganyo ang tono at boses ng nobela. Sarkastiko at self-depricaing pero totoo at makatotohanan. Ganoon din, nakakatawa. Kayang pagtawanan ng tagapagsalaysay ang kanyang sarili at maging ang kanyang ikinukuwento.

Isang eksenang natawa ako: nang bumisita ang pamilya ni Oscar sa Dominican Republic, nagtaka si Oscar nang biglang nagpalakpakan ang mga taong sakay ng eroplano sa paglapag ng eroplano sa airport. Natawa ako dito dahil Pinoy na Pinoy din itong gawi. Ilang beses na ba akong umiwi galing sa ibang bansa kasama ang mga OFW at nangyari ito? Madalas, madalas.

4.

Bago umalis papunta ng airport naman nang matapos ko ang "Para Kay B" ni Ricky Lee. Hindi ko sigurado kung malaki ang ipinagbago ng pamamaraan ni Ricky Lee noong mga panahon niya sa Sigwa sa ngayon pero alam kong magaling pa rin siyang magsulat. Mapaglaro ang buong nobela. Pinaglalaruan nito ang mga ideya ng Pilipino tungkol sa pag-ibig at pinagtatawanan ito. Ngunit naghahanap din.

Binubuo ang nobela ng limang kuwento ng pag-ibig tungkol sa limang mga babaing may partikular na karanasan tungkol sa pag-ibig. Ngunit kuwento ito hindi ng mga tauhan isinulat kundi ng manunulat na nagsulat ng mga kuwento. At isinisiwalat ng nobela ang katangian ng pag-ibig bilang isang antas ng fantasya. Na ang sarili ang lumilikha ng love story. Kaya't hindi maiiwasang ma-devistate ng pag-ibig dahil hindi palaging nagtatagpo ang tunay na buhay sa love story na nasa isipan natin. Ngunit kailangang magpatuloy upang maghanap ng ibang kuwento pwedeng pagkaabalahan.

Linggo, Disyembre 21, 2008

Alam mo...

Alam mo bang isang buwan na akong hindi naba-blog? Nakakalungkot.

Alam mo bang nasira ang cellphone ko? Ipapaayos ko pa.

Alam mo bang may nakita akong ebook sa Project Gutenberg na pinamagatang "Manures and the principles of manuring"?

Alam mo ba yung Chinese na babaeng nawalan ng pandinig sa kanyang kaliwang tainga dahil sa halik? Dalawa lang iyan e: hindi marunong humalik ang boyfriend niya o hindi magaling humalik ang boyfriend niya.

Alam mo yung pag-align ng Venus, Jupiter at Buwan na nagmukhang smiley face? Oo, iyon. Natuwa ako doon.

Alam mo bang lumabas na ang bagong isyu ng Heights? Wala lang. May kuwento kami nina Margie doon.

Alam mo bang nag-sale ang Ateneo Press at UP Press? Ang dami ko na namang nabiling libro. Kaya gagawa ako ng New Year's Resolution: hindi ako bibili ng libro sa 2009. Makakalimutan ko ang resolution na ito pagdating ng ikalawang linggo ng Enero.

Alam mo bang ang daming librong kailangang basahin bukod pa sa masayang basahin?

Alam mo bang nominado si Sir Vim Yapan para sa 8th Madrigal-Gonzalez Best First Book Award? Nanalo si Zosimo Quibilan. Congrats sa kanila at sa iba pang nominado.

Alam mo, hindi ko feel ang MMFF ngayong taon. Tulad ng mga nakalipas na taon.

Alam mo bang nasa San Pablo ako ngayon? Una akong pag-uwi ito mula nang magsimula ang sem.

Alam mo bang ang OA ng palamuti para sa Pasko sa bahay namin dito? Basta. Puros parol. Magkano kaya ang magiging bill namin sa Meralco?

Alam mo ba yung Talab, yung produksiyon ng mga applicants ng Tanghalang Ateneo? Wala lang. Medyo disappointed ang mga tao dahil malapit sa aming mga puso ang karamihan ng mga dulang itinanghal nila. Siyempre, mga first timers ang mga nagtanghal kaya hindi maiiwasan. Hindi naman panget ang mga pagtatanghal. May mga directorial decisions lang na sobrang napapakamot kami ng ulo. Nakakatuwang may dalawa akong estudyanteng bahagi ng produksiyon.

Alam mo ba yung Cha-cha? Asahan mong magbabalik iyan sa susunod na taon.

Alam mo bang ramdam ko na ang Pasko? Pero ko ma-enjoy dahil sa trabaho. Pero okey lang. Aliw pa rin naman ang trabaho kahit papaano.

Alam mo bang ang "Twilight" series ang pinakapatok na Christmas gift ngayong taon? Mahaba ang pila sa Fully Booked Gateway para lamang doon.Iyon ang exchange gift na nakuha ni Tetel. Oo, tiba-tiba ang mga book store.

Alam mo bang kalalabas lang ng dalawang nobela ni Marla Miniano sa National Bookstore? Oo, si Marla Miniano, yung kasama kong nagawaran din ng Loyola Schools Awards for the Arts 2006 para sa Creative Writing: Fiction. Binili ko iyong isa. Hindi kami masyadong nagkakilala kahit na magkatabi kami ng ilang araw sa Escaler para sa practice at awarding. Wala lang. Nakakainggit lang. Summit Books ang naglathala mga libro kaya obvious na may partikular na market o audience ang mga libro. Basahin ko na lang muna ang libro at bigyan ng rebyu sa susunod.

Alam mo bang tumatanggap na ng mga applicants ang Iligan National Writers Workshop? Mada-download daw ang application forms sa kanilang website.

Hanggang doon na lang muna.