Pagkatapos ng tatlong nakakapagod na araw, nagising ako kaninang tanghali ng may pagkabagabag. Hindi ko alam kung ano. Basta. Hindi ako mapakali. Parang may darating, mangyayari, o kung ano mang mahalaga na dapat kong paghandaan pero hindi naman ako sigurado kung paano dahil hindi ko naman alam kung ano iyon. Hindi ako makatutok sa mga ginagawa ko. Sana pakiramdam lang ito at lumipas na. At kung may darating, dumating na. Dahil hindi ako ang tipo ng taong nagpapakataranta.
At kung babalikan ko ang nakaraang taon at ihahambing sa mga sinabi kong ito, parang ganito na rin ang pakiramdam ko sa nakalipas na taon. Hindi ako taranta nitong nakalipas na taon. Kagaya nga ng sinabi ko, hindi naman ako yung ganoong tipo ng tao. Parang lumipas ang taon na mayroong hinihintay na mangyari pero hindi naman nangyari. Kung mayroon naman akong sinisimulan, katulad sa aking pagsusulat, karamihan ay hindi ko natatapos. Parang isang malaking "Wala lang" ang buong taon. Maliban sa ilang mga munting pangyayari, katulad ng paglalathala ng dalawang kuwento, ang pagiging sabit sa 7th ANWW at ang iba pang mga mumunting okasyon, pakiramdam ko'y parang dapat na napakaraming nangyari pa nitong 2007 na hindi nangyari. Hindi ko alam kung dahil tatanga-tanga lang ako o hindi ko lang talaga hinahabol ang mga oportunidad na napapadaan diyan. At kagaya ng sinabi ko noon, hindi malinaw sa akin nang mga panahong iyon kung anong mangyayari sa 2007. May nais akong mangyari sa 2007 na hindi nangyari. May inaasahan akong mangyari na hindi nangyari.
Pero ngayong taong 2008, tila mas malinag sa akin kung ano ang nais kong mangyari, ang nais kong gawin. Kung pag-iigihin ko, matatapos ko na ang aking Masters sa susunod na school year. Inaasahan ko ang 2008 na maging mahalagang taon para sa akin. Inaasahan kong sa 2008 ko pagdedesisyonan ang ilang mga mahahalang pagpapasya na makaaapekto sa aking buhay sa susunod na mga taon. Hindi naman manghuhula kaya mahirap sabihin kung ano sa partikular. Inaasahan ko lang naman. Ang malaking bahagi pa rin para mangyari ang gusto kong mangyari sa nasa sarili ko. Yung paghirapang makamit iyong mga gusto kong mangyari, yung gusto kong gawin. Tama na siguro ang patanga-tanga. Panahon na para tumanda.