Huwebes, Marso 29, 2007

Lima lang naman

1.

Malapit nang matapos ang sem at mukhang mai-incomplete ako. Mukhang matatapos ko naman ang mga maiikli kong papel ngunit hindi makakaabot ang mga mahahabang papel, yung review ng mga textbook at ang aking panapos na papel. OK lang. Kakayanin.

2.

Ayoko sanang magkomento pero mahirap iwasan. Kulang ang salitang "desperado" at "baliw" para ilarawan si Ducat. Mayroong paradoxic na kagaguhan ang pag-hostage sa mga batang gusto niyang tulungan. Paano ka ba seseryosohin kung sabihin mong "ayoko silang saktan"? Kaya siguro napakakampante ng pamahalaan sa paghawak sa kanya. Kung sino-sino ang nakausap ni Ducat at napakaluwag ng seguridad sa paligid ng bus. Parang may pista. Kaya naging kahiya-hiya sila sa harap ng mundo. Ang galing din naman ng timing ni Ducat, kasagsagan ng kampanya.

3.

Lumabas ang picture na ito sa website ng New York Times:



Hindi ko alam na may away pala sina Gabriel Garcia Marquez at Mario Vargas Llosa. Ayon sa kumuha ng litrato, si Rodrigo Moya, nanonood ng pelikula si Garcia Marquez (Idol) nang dumating si Vargas Llosa (Mario). Tuwa naman si Idol nang makita si Mario. Yayakapin pa nga sana niya si Mario nang bigla siyang sapakin sa mukha. Matalik na magkaibigan sina Idol at Mario bago nito. May nagsasabing tungkol sa politika ang dahilan ng away nila. Ang hula naman ni Moya, dulot ito ng pag-console ni Idol sa asawa ni Mario nang mayroong problema ang relasyon ng mag-asawa.

O, di ba, literary telenobela.

4.

Ngayong araw, Finals ng karamihan ng mga subject sa Filipino. Nagbantay ako para kay Ma'am Coralu Santos sa isa niyang klase. Sabay-sabay kasi ang tatlong klase niyang nag-examen. Istudyante pala ni Ma'am si Maddy. Nagulat ako nang makita siya sa silid. Naalala ko nga palang 2nd year nga lang pala si Maddy.

Dalawang oras ang test. Nakakapagod din ang pagbantay lalo na kung medyo mainit. Mabuti na lang at magtatakipsilim noon. Hindi ganoong kainit.

5.


May nakita akong mga kopya ng nobela ni Sir Vim Yapan sa Powerbooks Greenbelt. Hinihikayat kong bumili ang mga tao. Hindi ko pa alam kung kailan ang launch ng nobela. Baka summer na. Hindi kasi agad maasikaso ni Sir Vim dahil marami-rami ata siyang pinagkakaabalahan.

Hindi ko pa nababasa nang buo ang nobela. Noong isang summer, dumadaan akong library para silipin yung kopyang nasa thesis section. Ilang mga kabanata pa lamang ang nababasa ko noon. Narito ang link tungo sa unang kabanata ng nobela.

Biyernes, Marso 16, 2007

Gateway Getaway

Kanina, nakipagkita ako sa mga kabarkada noong high school. Pauwi sina Paolo at Gino ng San Pablo, sasakay sila ng bus. Nagkita-kita kami sa food court at doon na rin nag-usap-usap at kumain. Pumunta rin sina Tonet at Danny at humabol ang girlfriend ni Paolo. Kalakhan ng aming mga pag-uusap ay umikot sa kamustahan, balita sa mga iba naming dating kaklase at trabaho. Nakakatuwang malaman na marami-rami na rin kami sa klase namin ang narito sa Metro Manila at nagtatrabaho. Mas madali na rin kaming magkakatagpo. Mukhang dalawa lang naman talaga ang mapupuntahan ng mga tao, dito sa siyudad o sa ibang bansa (na pinaghahandaang gawin ilan at ginawa na ng iba). Pero, sa totoo lang, ayokong tumanda dito sa siyudad. Bagaman wala na ring patutunguhan kung iisipin ang praktikalidad. Mababalikan kaya?

Huwebes, Marso 15, 2007

Seremonyas, Inuman at Aklatan

1.

Pumunta ako kahapon sa LS Awards for the Arts 2007 na ginanap sa Escaler Hall. Kilala ko lahat ng mga Awardee sa Creative Writing. At natutuwa ako dahil karapat-dapat talaga sila.

Nagsimula nang mga alas singko ang seremonyas. Maraming Theater Arts awardee ngayong taon. Noong isang taon, maraming nanalong mga makata. Ngayon taon, si Twinkle lang ang makatang ginawaran. Dalawang kasama ni Twinkle dalawa pa naming kasamang kuwentista sa aming batch ng Ateneo-Heights Writers Workshop ang ginawaran ng award, sina Margie at Ino. Isang magandang araw para sa mga Mahahalay. Apat na sa amin ang LS Awardee. Nakatutuwa ring makitang parangalan sina Miyo at PH. Para na silang mga nakababatang kapatid sa Fine Arts. Marami sa Fine Arts Program ang pinarangalan, tanda na nagiging epektibo ang programa sa paghubog ng mga batang manunulat.

Sa pagitan ng pagbabasa ng mga citation, nagbasa ng mga akda nila sina Twinkle, Margie at Ino, habang nagtanghal ang mga Theater Arts ng mga dulang sinulat nina Miyo at PH. Ewan ko ba, parang masyadong "dramatic" yung isang tulang binasa ni Twinkle. Dapat ay nakakatawa ang tulang iyon, yung nanalo ng Timpalak Tula, ba't ang seryoso ng mood? Maliban doon, maganda ang pagbabasa nilang lahat.

Pero ang mga pagtatanghal ng mga Theater Arts ang naging patok sa seremonyas. Laugh trip talaga ang mga dula nina Miyo at PH. Halakhakan ang buong Escaler Hall.

Binigyan din si Dr. Leo Garcia ng Lifetime Achievement Award bilang tagapagtatag ng LS Awards, na dating Dean's Awards for the Arts noong iisang paaralan pa lamang ang Ateneo, at sa kanyang pagtatapos ng termino bilang dekano ng School of Humanities.

Isang mahalagang highlight: nang inunahan ni Ino si Fr. Ben Nebres sa kanyang trophy. Pagkatapos noon, hindi na naging palampa-lampa si Fr. Ben.

2.

Pagkatapos ng seremonyas, mayroong libreng pakain sa CTC. At pagkatapos noon, inuman. Usap-usap lang. At inom-inom. Magkakasama kami nina Em. Vittoreo, Kael, Yol, Javie, Den, Margie, Ino at Larry. Hindi nakasama si Twinkle dahil sinamahan niya ang kanyang pamilya. Miss na miss pa naman siya ni Em.

Hindi ko na dedetalyehin ang mga pinag-usapan namin. Mahalaga lang sigurong sabihin na may sablay na ginawa si Em kagabi. (Kamusta na, Em?)

Pero napunta ang pag-uusap namin sa mga citation ng LS Awards at inalala ko ang citation na binigay ni Sir Vim para sa akin. Kagaya nga ng sinabi ko kagabi, habang pinakinggan ko ang aking citation sa seremonyas noong isang taon, hindi ko iyon maintindihan. Noon lang nakuha ko ang isang written copy ng citation nang maintindihan ko ang sinabi ni Sir Vim tungkol sa aking panulat. Sa akig pagkakaunawa sa citation, na bagaman ipinapakita ko ang kaguluhan ng mundo sa aking mga kuwento, binibigyang halaga ko pa rin ang pamilya at ang tahanan. At kung iisipin ko nga, ganoon nga talaga ang pinahahalagahan ko. Happy ending sa akin ang makauwi ang mga tauhan ko sa kuwento. Trahedya kung hindi sila makauwi o wala silang mauwian. At kung aalalahanin ko ang lahat ng mga kuwento, ganito nga siguro ang pagtingin ko sa mundo. Hindi ka masaya kapag wala kang tahanan. Maligalig ka, hindi makatahan, kung wala kang mauuwian. Kahit nga ang mga bago kong sulat na kuwento'y nasunod sa ganitong pananaw. Sabi ni Em, nakaugat siguro ito sa aking pagiging probinsiyanong nasa lungsod. Na mayroon akong ideya ng mauuwian dahil sa karanasang ito. Pinansin pa nga niya ang sanaysay na sinulat ko para sa Seniors' Folio na namin, na binigyang pansin ko doon ang "pag-ampon." Siguro, bagaman may mga postmoderno akong mga hangarin sa mga sinusulat ko, tradisyunal pa rin ang tingin ko sa mundo. Na sa likod ng kaguluhan, ligalig at katarantaduhang nangyayari, mayroon pa rin tayong mauuwian. At isang tunay na nakatatakot na mundo ang ating haharapin kung wala.

Alas dos na kami natapos. Habang hinahatid ako, kinulit ako nina Em. Hindi daw kasi ako nagdadrama tungkol sa pag-ibig. At nangako silang lalasingin ako para magsiwalat ng aking damdamin. Sa birthday ko daw. At Umoo ako. Tanga. Palagi ko pa na namang tinutupad ang mga pangako ko. :D

3.

Kanina, puno ang Kagawaran ng mga mag-aaral na angpapakunsulta sa kanilang mga panapos na papel. Kaya medyo maingay ang kagawaran. Kaya nagpalipas na lamang ako ng oras sa lib. Nagphotocopy ng mga kuwento. Ganoon pagminsan ang pahid ko. Para akong nagha-hunting. Tinitingnan ko ang bawat koleksiyon at antolohiya ng mga kuwento at kinopya ang mga kuwentong mukhang interesante. Ang nerdy, di ba?

Linggo, Marso 11, 2007

Rambol, Pasyon, 300 at Secret Message

Kababalik ko lang galing San Pablo. Matagal-tagal na rin akong hindi nakauuwi. Mayroong pasabang ginanap noong Sabado kaya madaming pagkain sa bahay.

Kuwento naman ng kapatid kong si Marol, nagkaroon ng rambol na nangyari sa labas ng Canossa, dati kong paaralan. Mayroong tagalabas na nambugbog ng isang taga-Canossa. Kapatid ng binugbog ang pakay ng mga nambugbog. Matindi daw ang pagkakabugbog sa kanya. Nangyari sa harapan ng kapatid ko. Pumutok daw ang ulo't nagdurugo. Dahil hindi maawat ng guwardiya ang mga sumalakay, nagpaputok siya ng mga warning shot. At natakot naman ang mga nambugbog.

Pinanood ko naman kanina ang "300" sa Glorietta. OK din. Hypermasculine. Hindi ko nakita yung "gayness" ng pelikula. Maliban na lang doon sa dalawang Spartan na nang-asaran tungkol sa kanilang kamachohan, walang lantarang homosexuality sa pelikula di kagaya sa "Alexander".

(Tapos na ang lahat, puwede na ulit akong magsulat ng mga papel. O ng mga bagong kuwento.)

Huwebes, Marso 08, 2007

Banggan at Pagbati

Paakyat na ako ng overpass nang mabangga ng isang trak ang isang van. Hindi lang ito daplis. Isang iyong malakas na paghampas ng bakal sa bakal. Mag-u-U-turn na ang van nang masagi ng trak ang likuran nito. Tumalsik ang salamin sa likuran ng van. Nayupi ang bakal sa may-likutan ng van. Nagkalat ang basag salamin sa kalsada. Kaya naharang ang U-turn slot.

***

Sa isang walang kinalamang punto sa banggaan, congrats kina Margie, Twinkle, Ino, (mga kasamang Mahalay) PH at Miyo (mga kapatid sa FA Program) sa paggawad sa kanila ng pagkilala ng Loyola Schools Awards for the Arts 2007! Sa Marso 14 ang seremonyas. Na rito ang listahan ng iba pang mga awardee.

Sabado, Marso 03, 2007

Engkwentro sa Elevator

May nakasabay ako sa elevator. Isang babae. Dalawa lang kami. Syempre, walang pansinan. Etiketa ng elevator. Ngunit nagulat na lamang ako nang kulbitin niya ako. Nang pumasok siya sa elevator, pilit niyang binubuksan ang isang bote ng juice. HIndi ko alam kung anong pangalan noon. Syempre, nagpakamaginoo ako at binuksan ang kanyang inumin. Medyo nahirapan din akong buksan yung bote pero nabuksan ko rin, sakto lang nang bumukas ang elevator sa palapag na bababaan niya. Natuwa naman siya't nabuksan ko. Agad siyang lumabas ng elevator noon, nagpapasalamat. At dumiretso na pataas ang elevator, kasama ako.

Bakit ko sinulat ito? Cute kasi yung babae. Hahaha :D