Miyerkules, Agosto 30, 2006

20

Kanina pilit kong tinapos ang mga gawain ko para sa kagawaran ngunit mahirap. Noong tanghali, dumaan akong Ateneo Library of Women's Writings dahil may book sale sila. Nakita ko noong isang linggo na may "Ulysses" sila ngunit naunahan ako. Nakuha ko na lang ang "One Day in the Life of Ivan Danesovich" at "Snow Crash". Salamat sa mga bumati. Yun lang.

Linggo, Agosto 27, 2006

On the 12th Ateneo-Heights Writer's Workshop

Pumunta ako kahapon kasama ang mga ka-fellow kong sina Margie at Twinkle at ibang dating Heightsers. Naka-sit-in kami sa palihan ng ilang mga kuwento kahapon. Nakakatuwang makinig sa likuran ng session area kasi wala sa amin ang focus ng usapan. Nagkakaroon lang kami ng sarili naming mga usapan sa likod sabay ng 'tunay' na workshop. Ganoon din, masarap makinig sa mga panelist lalo na ang mula sa mga "senior" panelists kagaya nina Sir DM at Ma'am Beni.

Ayoko nang pag-usapan ang detalye ng mga nangyari sa palihan. Mga opinyon na lang sa daloy ng palihan. Nakakapagtakang napakatahimik ng mga fellows habang nasa palihan. Natatandaan ko sa karanasan ko noong nakaraang taon, marami kaming mga komento sa gawa ng isa't isa. Hindi ko alam sa mga fellows ngayon pero mukhang binasa naman naming lahat ng mga ka-fellows ko ang delib mat mula una hanggang huling pahina. Kaya marami kaming mga puna. Marahil natatakot ang mga fellows ngayon na magkamali. (Nagkaroon din ako ng ganitong takot noong nakaraang taon ngunit inisantabi ko na lang upang makatulong na rin sa palihan.) Pero mukhang naging matapang kami kasi pagminsan nakikipagsagutan kami sa mga panelists lalo na noong naging malabo kami.

Bihira rin silang magtanong sa panelists. Naaalala ko pa noong huling araw ng workshop at yung kuwento ni Margie ang pinag-uusapan, tinanong ko si Ma'am Beni tungkol sa multiple perspectives/multiple voices. Talagang tinanong ko kasi katabi ko siya at nalalabuan ako. At saka naisip ko baka konektado ito sa naiisip kong puna sa kuwento ni Margie. Pero sa taong ito, hindi ko nakitang makipagtapatan at matututo nang direkta mula sa panelists ang mga fellows. Napaka-passive nila pagdating sa pagtuto. Ganoon din, kalimitang manipis ang paliwanag ng mga fellows pagdating sa kanilang panapos sa kanilang mga gawa.

Ayoko nang pag-usapan ang ginawa noong faci's night, alam na ng mga tao iyan. :D Basta sana talaga maraming natutuhan ang mga fellows ngayong taon. Kasi sigurado sa batch 11, nabago ang estetika, maging ang buhay namin dahil sa workshop.

Biyernes, Agosto 25, 2006

Feeling Guro

Nag-proctor ako sa mga klase ni Ma'am Beni habang nasa workshop siya. Kinailangan kong gumising nang napakaaga, mga 6:00 kasi 7:30 ang unang klase niya. Medyo kakaiba kasi nasanay ako na palaging 9:00 ng umaga gigising. Tatlong klase ang binantayan ko. Nag-feeling guro lang naman ako. Yun nga, nagbantay lang ako. Pag may tanong, sasagutin ko lang. Naawa nga ako sa kanila kasi test ang iniwan ni Ma'am Beni bilang regalo habang wala siya. Nakakaasar lang kasi ang init ng umaga sabay ng antok ko, sobrang piga na ang lakas ko pagkarating ng tanghali. Kaya nag-log-out ako agad pagkatapos na pagkatapos ng huling klase.

Huwebes, Agosto 17, 2006

Reading More Than I Can Chew (Kung Pwede Ko Lang Makain ang mga Libro)

Ano ba ang masasabi ko mula noong huli kong post? Maliban sa kainan/inuman/hang-out noong nakalipas na Biyernes (marami kaming napag-usapan kung hindi man trivial, medyo sensitive), lumilipas ang araw ko na nagbabasa lamang, required o di required. Mas malamang required. Nagsusulat din paminsan-minsan pero nahihirapan ako kapag nagbabasa nang todo-todo. So update lang talaga ito sa daloy ng aking mga klase. Medyo late, o sige, totally late na kami sa Fil 201 kasi sa dami ng mga "bakasyon" na nangyari. Kaya pinaplano ni Ma'am Beni ng mga make-up class. Wala akong problema diyan, basta si Ma'am Beni. Mukhang mayos ang daloy sa Fil 200 kasi mas maleable ang sched ni Sir Jerry kumpara sa sched ni Ma'am Beni kahit na parehong naapektuhan ng mga pagliban noong nakaraang mga linggo. Yung nobelang Tagalog lang sa ilalim ni Sir Vim ang hindi naabala ng bagyo o kung ano mang holiday kasi Huwebes kaya nangangalahati na kami. Hindi naman sa nangangapa ako pero parang gusto ko nang mag-anim na units na lang next sem. Gusto ko na sanang makuha ang iba pang mga core subjects para sa darating na panahon, makapag-focus na lang ako sa mga "advance" na subject.

Anyway, magsusulat pa ako. O kaya'y magbabasa pa. Bahala na.

Lunes, Agosto 07, 2006

Limang Buwan

May isang babaeng nagtangkang agasin ang kanyang dinadalang anak. Limang buwan siyang buntis at pasyente ni Mama. Naagas nga ang bata, kaya kinailangan munang pumunta sa klinika ni Mama pagkatapos ng magsimba. Dahilan ng ina kung bakit niya ginawa iyon, hindi na niya kayang magpalaki ng pang-apat na anak.

Hindi namatay ang bata, hindi pa patay. "Nagpupumiglas pa," ani Mama.

Miyerkules, Agosto 02, 2006

Mga Bagay na Natagpuan ko Pagkatapos Maglinis

Nilinis ko kanina ang mesa sa tabi ng aking computer dito sa condo. Isang napaka-impulsive na bagay na gawin pero kailangan na rin. Dahil nasa tabi ko palagi, nagiging tambakan ito ng mga kung ano-ano. Napakagulo na ng mesa.

Nakakatuwa naman ang mga bagay na natagpuan ko dito. Mga lumang assignment, papers, at lalong mas mahalaga, kopya ng mga lumang bersiyon ng mga kuwento ko. Tamang-tama't ngayong araw bumili ako ng mga envelope para talagang seryosohin ang pagfa-file ng aking mga papeles. (Parang professional na ako, ano?) Dito pa lang ang dami ko nang nakita, paano pa kaya ang sa bahay sa San Pablo kung saan nakatambak ang mga gamit ko?

Kaya ngayon, ang linis-linis at ang luwag-luwag ng mesa sa tabi ko. Nakakapanibago.