Huwebes, Disyembre 22, 2005

Ako'y Lilipad

Aalis ako ng Filipinas bukas. Papunta ang pamilya tungong Hong Kong. Kaya hindi ninyo ako mahahagilap gamit ng selepono. Email n'yo na lang ako. Pero baka hindi rin ako makapagbukas ng email doon. Sa ika-26 pa ako babalik. Yun lang. :D

Sabado, Disyembre 10, 2005

Pagpapakita ng Lakas (Isang Pag-unawa sa “General Information on the Pilipino Langauge” ng Surian ng Wikang Pambansa)

Pagpapakita ng Lakas
(Isang Pag-unawa sa “General Information on the Pilipino Langauge” ng Surian ng Wikang Pambansa)

Panimula

Malinaw sa panimula ng “General Information on the Pilipino Language” ang hangarin ng Surian ng Wikang Pambansa, ang pagpapakita kung gaano kahirap ang kanilang trabaho at ang trabahong kanilang nagawa na sa pagpapalaganap ng Wikang Pilipino. Ngunit kailangan rin nating pansinin kung bakit kinailangan ng Surian na maglathala ng ganitong uri ng babasahin. Ang Surian ang naging bunton ng maraming kritisismo’t batikos sa kanilang pamamalakad at pagtaguyod sa Wikang Pilipinong nakabatay sa Tagalog. Ganoon din, nagiging maingay na rin ang mga grupong laban sa Tagalog sa pagsisimula ng Constitutional Convention ng 1971-1972.

Kaya masasabing isang sagot itong lathalang aking tatalakayin sa mga batikos na ibinabato sa Surain. Ngunit, imbes na sagutin nang harap-harapan ang mga batikos na ito, ginawa lamang ng Surian ay bigyang pansin ang kalagayan at hinaharap ng Wikang Pilipino at umasang mapaniwala dito sa inilabas nilang kabatiran.

Buod

Introduksiyon

Malinaw sa unang pahina pa lamang ng “General Information on the Pilipino Language” ang ninanais na makamit ng Surian sa kanilang paglathala ng nasabing lathala. Una, ipakita ang maraming problemang hinaharap ng Surian sa paghubog at pagpapalaganap ng isang wikang pambansa. Pangalawa, magbigay ng isang mas malinaw na pagkaunawa sa gawa ng Surian batay sa mga patakarang itinaguyod ng Surian. Pangatlo, magbigay ng kapaki-pakinabang na impormasyon sa Wikang Pilipino at tapat na pagsusuri sa sitwasyon nito bilang wikang pambansa. At pang-apat, paglalatag ng maaring hinaharap ng Wikang Pilipino.

I. Pilipino sa loob ng Ating mga Batas at Kautusan

Dito sa bahaging ito ng lathala, sinipi ng Surian ang iba’t ibang mga batas at kautusan ukol sa Wikang Pilipino. Unang sinipi ang kontrobersiyal na Artikulo XIV Section 3 ng Saligang Batas ng 1935. Isa itong pagpapakita ng “constitutional” na pinag-uugatang kapangyarihan ng Surian.

Sunod na binanggit ay ang iba’t ibang batas patungkol sa wika, kagaya ng CA 184 na inamendahan ng CA 333. Sunod namang sinipi ang CA 570 na naglilinaw sa kalagayan ng “Filipino National Language” bilang isa sa mga opisyal na wika ng Republika ng Filipinas. Inilalayon rin ng batas ang paglathala ng mga textbook na gagamitin para sa pagtuturo at pagpapalaganap ng Wikang Pilipino. Ipinapakita ng pagsiping ito ang kapangyarihan ng Surian para aprubahan o di-tanggapin ang mga textbook patungkol sa Wikang Pilipino.

Sunod, ipinaliwanag kung bakit batay sa Wikang Tagalog ang Wikang Pilipino. At pangunahing sinisipi sa batayang ito ay ang Saligang Batas ng 1935. Alinsunod sa batas, ginawa ng Surian ang nakatakdang trabaho nito. Pinili ang Tagalog, alinsunod sa batas. Inaprubahan ito ni Pangulong Quezon, alinsunod sa batas. At pormal na ginawang opisyal na wika ng Filipinas, alinsunod sa batas.

Sunod namang sinipi ang hatol ng korte patungkol sa kasong isinampa laban sa Surian dahil sa pagpili nila ng Tagalog. Sunod-sunod ang pagpabor ng Korte sa panig ng Surian mula sa iba’t ibang nibel ng korte. At ayon sa sinipi ng Surian, labas na sa kapangyarihan ng korte ang pagsuri at iisantabi ng pagpili ng Surian dahil tinanggap na ito ng mamamayan at ng pamahalaan ang panukala batay sa CA 570 na inaprubahan ng Kongreso noong Hulyo 4, 1946.

Sinipi naman ng Surian ang iba’t ibang mga kautusang inilabas ng Kagawaran ng Edukasyon. Una, ang kautusan ng Kagawaran ng Edukasyon at Kawanihan ng Pampublikong Paaralan noong 1959 na tawaging “Pilipino” ang wikang pambansang ituturo nila. Pangalawa, ang kautusan ng Kagawaran ng Publikong Pagtuturo at Kawanihan ng Edukasyon noong Abril 12, 1940 para ituro ang Wikang Pilipino sa lahat ng ika-apat na taon sa mataas na paaralan sa lahat ng paaralan sa Filipinas. Pangatlo, ang pagtuturo ng Wikang Pilipino, di lamang sa ika-apat na taon, pati na rin sa ikalawang taon ng kolehiyo. Panghuli, ang kautusang naglalaan sa bawat lathalaing pampaaralan ng kolum o seksiyon para sa Wikang Pilipino. Ipinapakita ng mga pagsiping ito ang mga ginawa ng Kagawaran ng Edukasyon para sa pagpapalaganap ng Wikang Pilipino.

II. Pilipino sa Pamahalaan

Ipinakita naman sa bahaging ito ang iba’t ibang ginawa ng Pamahalaan para itaguyod ng Wikang Pilipino. Binanggit ang pagbibigay suporta sa Surian ng mga Pangulo mula kay Quezaon hanggang kay Marcos. Binanggit naman ang pagtatalumpati gamit ang wikang Pilipino ng ilang Senador at Kongresista sa loob ng Kongreso. Binanggit din ang paggamit ng Pilipino sa mga korte. Nagbanggit ang Surian ng mga halimbawa ng nasabing paggamit ng Pilipino sa loob ng korte. Sinipi pa mismo ang proklamasyon ng Korte Suprema sa bago nitong patakaran para tanggapin ang Pilipino bilang iisa sa mga opisyal na wika ng mga dokumento.

Binanggit din ang paggamit ng Pilipino sa iba’t iba pang ahensiya at dokumento ng pamahalaan, mula sa Sandatahan, sa Opisina ng Koreo, sa Pambansang Salapi, sa Visa, sa mga diploma, at sa mga pangalan ng mga gusali. Binabanggit din ang mga programa ng pamahalaan para sa pagtataguyodng Wikang Pilipino sa mga empleado nito. Halimbawwa ay ang mga pagbibigay ng mga seminar at pagtatanghal ng Linggo ng Wika.

III. Pilipino sa Edukasyon

Sa bahaging ito, ipinakita ang malawakang pagtuturo ng Wikang Pilipino sa iba’t ibang antas sistemang edukasyon ng Filipinas. Nangunguna sa bahaging ito ang pagbanggit sa paglaganap ng pagtuturo sa kolehiyo ng mga kursong may espesiyalisasyon sa Wikang Pilipino. Sinipi rin ang isang memorandum ng Direktor ng Kawanihan ng Pampublikong Paaralan patungkol sa laganap ng pagtuturo ng Pilipino paggamit dito bilang wikang panturo sa mga distrito sa buong Filipinas. Binanggit din ang mga paaralan at institusyon sa ibang bansa na nagtuturo ng mga kurso sa Wikang Pilipino.

IV. Pilipino bilang Wikang Panturo sa UP

Nakasaad sa bahaging ito ang kasaysayan ng programa ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) upang gamitin ang Wikang Pilipino sa pagtuturo sa mga kurso. Nagsimula ang paggamit ng Pilipino sa UP bilang isang eksperimento noong Taong Pampaaralang 1968-1969. Dahil naging malakas ang interes at suporta sa programa, naglabas ng isang patakaran na nagbibigay ng lubos na pagtangkilik sa paggamit ng Pilipino bilang wikang panturo sa loob ng unibersidad.

Naging lubos ang pagtanggap sa Pilipino. Higit kalahati sa mga klaseng Pisika ay itinuro sa Pilipino. Mismong sa mga kursong Ingles ay itinuro sa Pilipino. Tinangkilik rin ang paggamit ng Pilipino sa mga klase at pagsulat sa mga papel eksamen, tesis, atbp. Ipinanukala rin ang pag-aaral ng mga mag-aaral sa unang taon ng tatlong kurso sa Pilipino.

Dahil sa tagumpay sa pagtanggap ng Pilipino sa UP, nagbigay ng tatlong probisyon ang Surian na maaaring idagdag sa Saligang Batas o kaya nama’y bilang isang pambansang patakaran. Una, ang pagtanggap sa Pilipino bilang wikang panturo sa mga kurso’t aralin sa lahat ng mga paaralan sa Filipinas, kasama na ang mga kolehiyo’t unibersidad. Pangalawa, ang paghubog sa mga mag-aaral ng mahusay na pagsusulat, pagsasalita, at pag-iisip sa Pilipino. At pangatlo, pangangailanganin ang mga mag-aaral, mula elementarya hanggang unibersidad, na kumuha ng mga kurso para sa kasanayan at mapagpalago sa Wikang Pilipino. Nirekomenda rin, para mabilis ang pagpapatupad ng mga probisyon, ang paggawa ng mga textbook at diksyunaryong Pilipino at iba pang materyales na magagamit ng mga mag-aaral.

V. Mga Programa sa Pagsasanay ng Guro at Paghahanda ng mga Materyales sa Pilipino

Sa bahaging ito, nakasaad ang pagsasanay na nakukuha ng mga guro upang maging handa para sa pagtuturo ng Wikang Pilipino. Itinala ang mga hangarin ng pag-aaral para sa Bachelor of Science in Education (B.S.E.) at B.S. Elementary Education (B.S.E.Ed.). Binanggit din ang mga programa ng iba’t ibang kolehiyo’t unibersidad na mayroong B.S.E. at B.S.E.Ed na may espesiyalisasyon sa Pilipino.

Nakasaad din sa bahaging ito ang Advanced Teacher-Training Program sa UP. Ang programang ito ay pinangungunahan ng UP at Kawanihan ng Pampublikong Pampaaralan para pagsanayin ang piling mga guro sa Ingles at makakuha ang mga piling mga guro ng titulong graduado. Sinang-ayunan ang programa noong 1963. Noong 1967, pinalawak ang programa para makasama ang mga guro sa Pilipino’t Espanyol. Noong 1971 naman, inaprubahan ang pagkakaroon ng non-degree o certificate program. Dahil sa Advanced Teacher-Training Program, ang Department of Language Teaching ng UP ay nagbibigay ng Master of Arts in Teaching Pilipino as a Second Language at Master of Education in Second Language Teaching. Kasama sa mga kursong itinuturo ay mga kursong patungkol sa paghahanda sa materyales para pagtuturo ng Pilipino.

Hinusgahan naman ng Surian ang mga programa ng lahat ng mga paaralan at mayroon silang dalawang sinabi. Una, maliban sa Philippine Normal College, UP, at University of the East, ang mga programang graduado ibinibigay ng mga kolehiyo’t unibersidad ay hindi nakatutok sa pagtuturo ng wika kundi nakatutok sa Panitikang Pilipino. Pangalawa, kakaunti lamang ang mga mag-aaral para sa pagiging guro.

Dahil sa dalawang punang ito, nagbigay ang Surian ng limang rekomendasyon para sa programa sa pagsasanay ng mga guro. Una, ang pagsasaayos ng kurikulum para bigyang diin ang pagtuturo ng Pilipino bilang pangalawang wika. Pangalawa, ang pagpapahaba pa sa Advanced Teacher-Training Program nang sampung taon at maramihin ang pagbibigay ng scholarship. Pangatlo, ang pagbibigay ng pinansiyal na supporta sa mga iskolar na guro mula sa kani-kanilang mga distrito. Pang-apat, dagdag na pinansiyal na supporta mula sa Kongreso para sa mga programang nakatutok sa paghubog at pagpapalaganap ng Wikang Pilipino. At panlima, ang pagtigil sa nagmamataas na atitud at, imbes, tutukan ang pagpapalaganap ng Pilipino.

VI. Pilipino sa Mass Media

Ipinakita naman sa bahaging ito ang paggamit ng Wikang Pilipino sa iba’t ibang uri ng mass media. Binanggit ang malawakang paggamit ng Pilipino sa radio at telebisyon. Tinala naman ang iba’t ibang mga diyaryo’t magasin na gumagamit ng Pilipino kagaya ng Taliba, Mabuhay, Pilipino Star, Liwayway, Tagumpay, mga lathalaing pampaaralan, atbp. Binanggit din ang laki’t dami ng sirkulasyon ng bawat lathalain. Binanggit din ang mga magasing bilingual kagaya ng Asia-Philippines Leader at Graphic. Sandaliang binanggit ang mga komiks at pelikulang nasa Pilipino.

VII. Census tungkol sa mga Nagsasalita sa Pilipino

Sa bahagi namang ito, sinipi ang artikulo ni Dr. Teodoro Llamzon, S.J. Pinapakita ng artikulo ang patuloy na paglago Wikang Pilipino batay sa datos ng census na ginawa noong nakalipas na taong 1970. Batay sa mga naunang datos, dapat ay 51% ng mga Filipino ang marunong nang pagdating ng 1970. Ngunit makikita sa survey na ginawa ng Catholic Educational Association of the Philippines na halos 64% ng mga Filipino ay nagsasalita sa Wikang Pilipino sa kani-kanilang bahay. Sinasabi rin sa artikulo na kung hindi man Pilipino ang pangunahing wika, ito’y nakukuha bilang pangalawang wikang. Ayon din sa artikulo, kung pagpapatuloy ang mga estadestika, ang Pilipino ang magiging pangkalahatang wika sa buong Filipinas sa loob lamang ng 20 o 30 taon.

VIII. Ang Pambansang Wika sa Ating mga Batas at mga Kautusang Tagapagpaganap

Sa bahaging ito, tinatala ang mga batas sa isang kronolohikal na pagkakasunod-sunod. Binabanggit dito ang iba pang mga kautusang hindi nabanggit sa bahaging “Pilipino sa loob ng Ating mga Batas at Kautusan.”

Puna

Kakaiba ang tono ng lathalang ito. Kagaya nang sinabi ko sa panimula, ang Surian ang binuntunan ng maraming atake’t kritisismo. Ngunit imbes na sagutin nang tapatan ang mga kritisismong ito, kagaya ng pagiging “mahirap” matutuhan ang Pilipino at Ingles ang dapat na gawing wikang panturo, ipinakita lamang sa lathalang ito ang “makatotohanang” katayuan ng Pilipino. Ang “katotohanang” malawak at positibo ang pagkakatanggap ng Wikang Pilipino. Tinatanggap na ng iba’t ibang ahensiya sa pamahalaan, paaralan, at maging sa pang-araw-araw na tanghalan. Malakas na ang posisyon ng Pilipino kung ihahambing sa Ingles.

Malinaw sa unang bahagi, “Pilipino in Our Laws and Orders,” na ipinapakita ng Surian kung saan nanggagaling ang kanilang kapangyarihan. At bukal nito ay ang Saligang Batas. Pinapakita na sinusunod lamang ng Surian ang batas. Kung anumang “maneobra” ang nangyari, labas na ang Surian doon. Sinagawa nila ang kanilang pagsusuri, alinsunod sa batas. Pumili sila, alinsunod sa batas. At inaprubahan ito, alinsunod sa batas. Kaya hindi kaduda-duda ang sunod-sunod na pagpabor ng Korte sa mga kasong inihabla laban sa Surian. Ipinapakita rin ang iba’t ibang kautusan ng pamahalaan, partikular ang Kagawaran ng Edukasyon, na nagbibigay suporta sa Wikang Pilipino.

Sa ikalawang bahagi, “Pilipino in the Government,” ipinapakita ang manipestasyon ng “suporta” na ibinibigay ng pamahalaan sa Pilipino. Magandang pansinin na ang ipinakita ang mga partikular na ginawa ng bawat sangay ng pamahalaan, mula sa pinakamataas hanggang pinakamababang mga opisina. Ngunit maaari ring punahin na ginagawa lang naman ng pamahalaan ang opisyal nitong tungkuling gamitin ang opisyal na wika ng Republika.

Maganda ring pansinin ang pagkakapareho ng estilo ng ikalawang bahagi sa ika-anim, “Pilipino in Mass Media.” Naging ganito dahil ang pagpapakita ng suporta mula sa pamahalaan at masss media ay mga bagay na hindi lubos na masusukat. Masasabi kung ilan sa mga empleado ng pamahalaan ang kumuha ng seminar o ang laki ng sirkulasyon ng isang publikasyon ngunit hindi masusukat nang lubos ang epekto nito sa lipunan. Ngunit magandang banggitin ang mga bagay na ito para palakasin ang posisyon ng Wikang Pilipino bilang wika, hindi lamang ng pamahalaan pati na rin sa pakikipagtalastasan. At maaari ring tingnan na mas maganda ang pagpapakitang ito ng malawakang paggamit ng Pilipino sa mass media kung ikukumpara sa pagtanggap ng pamahalaan.

Kukumpulin ko ang ikatlo, “Pilipino in Education,” ika-apat, “Pilipino as a Medium of Instruction at the UP,” at ika-lima, “Teacher-Training Programs and Materials Preparation in Pilipino,” dahil umiikot ang mga ito sa pagtuturo ng Pilipino sa mga paaralan. Ipinapakita sa ikatlo at ikalimang mga bahagi na may antas na paggalang at pagtitiwala sa Wikang Pilipino. Na naituturo ang Pilipino bilang espesiyaliasasyon ay nagpapakita ng sopistikasyon. At sinusuportahan ng ika-apat na bahagi ang sopistikasyon na ito. Kung ang Pisika ay maituturo sa Pilipino, anong aralin ang hindi makakayang ituro sa Pilipino? At sa sobrang positibo ang pagtanggap, nagrekomenda ang Surian ng mga bagong probisyon para sa pagpapalaganap. Sino nga ba naman ang hindi matutuwa na makita nilang “sold out” ang kanilang binebenta? Ngunit mapupuna sa ika-apat na bahagi, na kasisimula pa lamang ang pagtanggap at paggamit ng Pilipino sa UP. Maaaring sabihin na maaaring naging matagumpay ang eksperimento ng UP dahil sa “novelty” nito o pagiging kakaiba’t bago. Pero, kung titingnan ang ating kasalukuyang kurikulum sa mga mababa at mataas na paaralan, may naging epekto ang eksperimentong ito sa atin ngayon.

Gusto ko namang pansinin ang kaibahan ng ika-limang bahagi. Kung sa ibang mga bahagi, na halos mga pagtatala lamang, mas mapangsuri ang bahaging ito. Pinuna mismo ng Surian ang kalagayan ng sistema ng pag-aaral ng mga guro. Maaari itong tingnan bilang isang realistikong paghusga sa pangkalahatang kalagayan ng kakayahan ng mga guro. At mula sa pagsusuring ito na ginawa ng Surian, maaring tingnan ang mga rekomendasyon bilang isang pag-amin na marami pang kailangang gawin para punuan ang lumalaking pangangailangan ng pagtuturo ng Pilipino. Pagkatapos ipakita ang nalaki at nalawak na pagtanggap at paglaganap ng Pilipino, isa ito “well-timed” na paghingi suportang pinansiyal.

Ang huli kong pupunahin ang ika-pitong bahagi, “Census Figures on Pilipino Speakers.” Magandang pansinin na isa itong sipi mula sa isang artikulo. Wala bang panahon ang Surian upang gumawa ng sarilig pag-aaral? Ngunit, sa tingin ko, pinili ang artikulong ito dahil sa epektibo nitong pagpapakita, gamit ang mga datos at estadestika, ng pagtanggap at paglaganap ng Pilipino kumpara sa mga naunang bahaging na puro pagtatala lamang. Maganda ring pansinin na bagay na bagay ang artikulong ito sa lathalang ito kung pagbabasihan ang tono nito.

Pangwakas

Ang lathalang ito ay isang walang pasikot-sikot na gawa. Sa simula pa lamang ay nilatag ang mga hangarin at, sa tingin ko, nakamit naman ang mga ito. Para sa akin, kapani-paniwala naman ang lahat na nakasaad sa lathala. Kung ako’y isang ordinaryong mamamayan, madaling tanggapin ang impormasyong ibinibigay ng lathala. Ngunit, kung muling papansinin ang pulitikal na kalagayan ng Wikang Pilipino bilang Wikang Pambansa, hindi ako naniniwala na mapababago ng isip ang mga pinakamalakas na mga kalaban ng Pilipino gamit ang lathalang ito. At kung titingnan ang nangyari sa Constitutional Convention ng 1971, hindi naging matagumpay ang Surian sa pagtatanggol sa Wikang Pilipino.

Hindi man napigilan ng Surian ang pagpapalit ng mga artikulong patungkol sa wikang pambansa na nakasaad sa Saligang Batas, nasabi nito ang tunay na kalagayan ng Wikang Pilipino. Isang wikang tinatanggap ng lahat. Isang wikang inaaral at pinalalaganap, hindi lamang ng pamahalaan at ng mga paaralan, pati na rin ng madla sa kanilang pang-araw-araw na usapan at talastasan. Isang wikang patuloy na itataguyod at hindi na mapapalitan, dahil bumaon na ito sa kamalayan ng bayan bilang wikang bansa.