Biyernes, Pebrero 25, 2011

Six Memos for the Next Millennium

Six Memos for the Next Millennium
Italo Calvino, salin ni Patrick Creagh
Vintage International
1993

Isa sa mga huling akdang sinulat ni Italo Calvino bago siya mamatay, tila isang mainam na pamamaalam ang “Six Memos for the Next Millennium”. Bagaman hindi niya natapos ang anim na lecture na pinlano niyang isulat para sa Charles Eliot Norton Lectures, nanatiling isang ideya lamang ang huling sanaysay na pinamagatang “Consistency”, sapat na ang limang natapos niya upang ipakita ang mga pinahahalagan niya bilang isang manunulat.

Bagaman maikli lamang ang bawat sanaysay, tigib ang mga ito ng mga ideya ni Calvino kung ano ba dapat ang pahalagahan ng mga manunulat sa darating na milenyo at, sa madaling salita, kung ano ang pinahahalagahan niya. Subalit bagaman binabanggit niya ang ilan niyang mga akda sa pagtalakay sa mga pagpapahalagang ito, sekundaryo lamang ang ito sa pagtalakay ng mga akda ng ibang manunulat na kanyang tinalakay. Sa limang sanaysay na ito’y lumilikha si Calvino ng isang personal na kanon bukod pa sa personal na poetika.

Bagaman may mga pagpapahalagang itinatanghal ang bawat sanaysay tulad ng “Lightness,” “Quickness”, “Exactitude”, “Visibility” at “Multiplicity”, hindi nakakaiwas si Calvino sa pagtalakay sa mga kabaligtaran ng mga bawat pagpapahalaga na ito. Ngunit sa halip na pagtapatin bilang simpleng binary opposites ang kabaligtaran sa pinahahalagahang katangian, malinaw na ipinakikita na kakikitaan din ng kabaligtaran sa mismong pinahahalagahang katangian ng panitikan. Halimbawa, mahalaga ang kabigatan upang maabot ang kagaanan at vice versa. Gayundin, inililista ni Calvino ang mga manunulat na pinihahalagahan niya, mula klasikong panahon tulad nina Ovid at Lucretius, mula sa Italya tulad nina Boccaccio, Giacomo Leopardi, Cyrano de Bergerac, Dante, Cavalcanti, Leonardo da Vinci at Carlo Emilio Gadda, at mga manunulat ng panahong moderno tulad nina Jorge Luis Borges, Goethe, Gustave Flaubert, James Joyce, Robert Musil, Thomas Mann at Marcel Proust. Ilan lamang ang mga manunulat na ito ang nililingon ni Calvino bilang kanyang pamantayan at panandang bato.

Sa limang sanaysay, pinakatumalab sa akin ang sanaysay na “Multiplicity” dahil binigyang-titik ni Calvino ang mga personal ko ring pinaniniwalaan tungkol sa panitikan at lalong-lalo na sa pagsusulat. Ang ideal ng nobela, para kay Calvino, ay ang pagtatangka nitong abutin pinakasukdulan lalo na sa pagtatangkang sakupin ang lahat-lahat. Ani Calvino, “Overambitious projects may be objectionable in many fields, but not in literature. Literature remains alive only if we set ourselves immeasurable goals, far beyond all hope of achievement.” (112) Hindi ito nalalayo sa paboritong kong quote mula kay William Faulkner, “All of us failed to match our dream of perfection. So I rate us on the basis of our splendid failure to do the impossible.” Kung kay Faulkner ay “splendid failure” ang isang ambisyosong proyekto, kay Clavino nama’y may posibilidad ng kawalan ng katapusan. Makikita ito sa mga obra nina Musil, Proust at Flaubert. Tinatangka ng mga akda nina Musil, Proust at Flaubert na ipaloob ang kani-kanilang pagkakaunawa ng totalidad.

Kaugnay ng kawalan ng katapusan sa pagkakalarawan ni Calvino sa nobela bilang isang encyclopedia subalit iba ang nobela sa pangkaraniwang encyclopedia na nababasa natin. Ani Calvino,

What tends to emerge from the great novels of the twentieth century is the idea of an open encyclopedia, an adjective that certainly contradicts the noun encyclopedia, which etymologically implies an attempt to exhaust knowledge of the world by enclosing it in a circle. But today we can no longer think in terms of a totality that is not potential, conjectural, and manifold. (116)

Sa madaling salita, tinatangka ng nobelang paloobin ang totalidad subalit malay din ang nobela sa potensiya ng lahat-lahat. Sa personal na poetika, ito ang nais kong abutin sa aking mga sinusulat ngayong akda, kasama na dito ang prinoyekto ko sa aking thesis na ngayo’y pinalalawig ko sa pagtatangka kong ihanda ito sa paglalathala nito. Nais kong ipaloob ang lahat-lahat sa aking mga proyekto. Pagbigyan lang sana ako ng oras para gawin ang lahat-lahat ng ito.

Magtatapos ako sa pagsipi sa pasintabi ni Calvino tungkol sa pagsulat ng ganitong uri ng ambisyosong paglikha. Iniisip na niya ang posibleng pagbatikos ng mga tao na ang ganitong uri ng pagsulat ay mabubura’t mawawala ang sarili. Subalit pasintabi ni Calvino,

Think what it would be to have a work conceived from outside the self, a work that would let us escape the limited perspective of the idividual ego, not only to enter into selves like our own but to give speech to that which has no language, to the bird perching on the edge of the gutter, to the tree in spring and the tree in fall, to stone, to cement, to plastic... (124)

Ito ang halaga ng panitikan, ang lumagpas mula sa sarili. Ang hanapin ang kabuluhan hindi lamang mula sa katulad natin kundi sa mga bagay na malayong-malayo sa atin. Hindi ito malayo sa sinabi ni Aristoteles sa kanyang pagtatanggol sa panitikan, na ang panitikan ay isang pagtatangkang ipakita ang mga posibilidad. Marahil ito ang dahilan kung bakit mas interesado akong magsulat ng katha sa halip na sanaysay, lalong-lalo na ang personal na sanaysay. Gusto kong hanapin ang posibilidad, at hindi nalalayo na ito rin ang hinahanap ni Calvino hanggang sa mga huling sandali niya sa buhay.

Miyerkules, Pebrero 23, 2011

Break, Blow, Burn

Break, Blow, Burn
Camille Paglia
Vintage Books, 2005

Simple lang naman ang buong proyekto ng “Break, Blow, Burn”: ibalik sa sentro ng kamalayan ngakademya, maging ng taumbayan, ang panulaan. Ani Camille Paglia,

Poststructuralism and crusading identity politics led to the gradual sinking in reputation of the premiere literature departments, so that by the turn of the millennium, they were no longer seen even by the undergraduates themselves to be where the excitement was on campus. (ix)

Mahalaga ang tula, lalo na ang pagbabasa ng tula, upang bigyan ng kakayahan ang mga mambabasa ng talas ng pag-iisip at sensitibidad ng pandama. Ito ang nawawala sa kasalukuyang kalagayan ng akademya sa Amerika at ito ang suliranin na nakikita ni Paglia doon. Bagaman iba ang konteksto ng akademya ng Amerika sa Pilipinas, hindi malayo ang mga problema na kinakaharap ni Paglia sa problemang kinakaharap ng mga paaralan sa Pilipinas lalo na sa pagtatanong sa estado ng humanidades sa mga kolehiyo.

Bukod pa sa pagtatanghal sa panulaan bilang sentro ng kultura, ninanais din ni Paglia na lumikha ng kanyang sariling kanon ng panulaan. Bagaman mapapansin sa sipi kanina ng naikita ni Paglia na masamang dulot ng masyadong pagtuon sa politika at ideolohiya sa pag-aaral ng panitikan at kultura, inaangkop niya ang mga ito para sa kanyang sariling paglikha ng kanon. May ilang akdang African-American at akdang sinulat ng mga babae ang kanyang binigyang-pansin. Maging sa mismong pagbabasa niya’y hindi nawawala ang kamalayan ni Paglia sa historikal at politikal na konteksto na pinanggagalingan ng mga tula’t makatang nagsulat ng mga tula.

Isa ring sagot ang librong ito sa, para kay Paglia, na kagulat-gulat na kalagayan ng panulaan sa Amerika. Sa kasalukuyan, ang unti-unti nang nawawala sa kamalayan ng mga makata ang pagpapahalaga sa nag-iisang tulang matatag at tigib sa kahulugan. Higit na raw pinahahalagahan ang buong panulaan ng isang makata. Isa ito marahil pasaring sa mga postmodernong makata. Wala raw ambisyon ang mga makata ngayon. (xii) Subalit maitatanong kung pareho lang ba ang konsepto ng ambisyon ni Paglia sa mga postmodernong makata? Malinaw na hindi. Para kay Paglia, higit na lumilitaw ang henyo ng isang makata sa isang siksik na tula kumpara sa pagpapamalas nito sa kalipunan ng mga tula ng isang makata.

Sa mismong mga pagbasa ni Paglia, bagaman maninipis lamang ang mga ito, tigib ang mga ito ng pagkakaunawa sa mga tulang sinuri. At kahit na maninipis, sapat na ang pagtalakay ni Paglia upang higit na palawakin ang pagkakaunawa ng mambabasa o, kung mayabang kang iskolar/kritiko, malugod na naisip mo na ang naisip ni Paglia.

Matalino ang libro sa pag-unawa sa mga tula bagaman hindi ipinamumukha sa mambabasa ang kamangmangan nito sakaling hindi niya maunawaan ang tulang sinusuri. Ginagabayang pautay-utay ni Paglia ang mambabasa upang makarating ito sa pagkaunawa.