Sabado, Disyembre 25, 2004

Hukbo ng Aguinaldo

Maraming namamasko dito sa San Pablo. May mga bata (at mga matanda?) na naggagala at dumaan sa bawat bahay. May iba na dayo pa mula sa mga kabilang bayan. Ang karamihan ay napunta naman talaga sa mga ninong at ninang nila ngunit ang karamihan ay sumasamantala lamang sa panahong ito.

Kaya hindi maiwasan ang nang yari noong umaga ng Pasko. Dumating ang sina Mom at Dad mula sa clinic dahil mayroong pasyente ng mga 6 ng umaga. Nang dumating sila ay nadatnan nila ang ilang mga batang namamasko at nahingi ng Aguinaldo. Dahil Pasko nga, binigyan ni Dad ang mga bata ng bagong bago at crispy na bente pesos. Natuwa naman ang mga bata.

Ngunit dinagtagal ay mayroon pang dumating na ibang mga bata. Namamasko rin. Binigyan at umalis. At may dumating pa. At binigyan. Hindi nagtagal, dinagsa na ang tapat ng bahay. Isang malaking hukbo ng mga nahingi ng Aguinaldo ay nagsiksikan sa kalsada. Sa sobrang dami ng tao noon ay hindi na makadaan ang mga kotse. Pati na nga ang mga matatanda ay nakisali na rin sa paghingi ng pera mula kay Dad. Malugod namang binibigyan ni Dad ang mga bata at matatanda. Magulo. Nagsisigawan. Mabuti hindi nag-riot.

Hindi naman ang lahat ng dumayo ay hindi namin kakilala. May mga inaanak sa binyag nina Mom at Dad ang dumating sa bahay. Madami din silang inaanak sa binyag. Hukbo din. Mabuti na nga lang at yung iba ay matanda-tanda na rin kaya hindi na nagpupunta ng madalas.

Bakit binibigyan, hindi naman kakilala? Ewan. Masaya kasi. Makita mo ang mga ngiti ng halos isang daang tao, sinong tatanggi doon. Kung may ngiti ang binibigyan, may ngiti rin ang namimigay.

So... Happy Together

Pinanood ko ang pelikulang ito kasama ang buong pamilya. Ako pa nga ang bumili ng lahat ng ticket para sa kanila. Nakakatuwa naman ang pelikula pero mayroong mga kaunting problema.

Pumapalibot ang pelikula sa buhay nina Osmond, na ginampanan ni Eric Quizon, at Lianne, na ginamapanan ni Kris Aquino. Si Osmond ay isang bading na copyrighter at si Kris naman ay isang self-employed na negosyante. Kabuuan ng karanasan ng mga tauhan na ipinapakita ng pelikula ay ang buhay pab-ibig ng dalawang tauhan. Ang mga lalaki sa buhay nilang dalawa at ang kanilang mga kapamilya. Maraming beses binanggit ang salitang sex. E mayroong mga bata sa mga nanonood. Ang isang batang na malapit sa amin ay tinanong sa kanyang ama kung ano ang "sex." Sagot ng ama, "Naglalaro." Salamat sa parental guidance.

Mahaba ang fabula ng pelikula. Mahaba rin, mga 40 taon kung hindi ako nagkakamali. Pero nakakatuwa naman na parang hindi ganoong kabilis ang pagdaloy ng panahon para sa akin. Maganda ang mga transisyon mula sa isang bahagi patungo sa isa. Pero naiinis ako dahil mga detalyeng hindi bagay o kaya ay kulang. Hindi ko gaanong nakilala ang mga anak ni Lianne at ang ina ni Lianne. Dahil siguro masyadong banat ang kuwento lalo na sa mga buhay nila. Isiksik mo ba naman ang ilang dekada sa loob ng dalawang oras. Ang dami-dami pa ng mga tauhan. Kaya mahirap mapalapit sa mga tauhan maliban kina Osmond at Lianne. At sa totoo lang, kay Osmond lang ako napalapit dahil siya ang tagapagsalaysay at asar ang tauhan na si Lianne. Maganda ang mga dialogo ng pelikula, kahit na medyo pilit ang ilan. Nakakatuwa naman ang mga sitwasyong at eksena.

Sa kabuuan, ok din ang pelikula. Pero mayroong mga bagay na, kung sanay ka at bukas, ay hindi mo mapapalampas lalo na kung alam mo na maaaring maging mas maganda ang pelikula kung wala ang mga problemang iyon. May mga magaganda mg asandali ang pelikula, lalo na ang mga eksena ng binging ina ni Osmond, na ginampanan ni Nova Villa. Nakakatuwa talaga iyon. Sobra. Kung mas mahigpit pa ang mga pagsasalaysay at pagkukuwento, marahil magiging mas maganda ang pelikula. Pero ngayon, naging isa na lamang siyang ok na pelikula.

Panaghoy sa Suba

Ito ang una kong pinanood na pelikula sa Metro Manila Film Festival. Naintriga ako. Bisaya ang buong pelikula. Mukhang interesante.

Pumapalibot ang buong kuwento kay Duroy, na ginampanan ni Cesar Montano na direktor din ng pelikula. Isa siyang bangkero. Salat at hirap ang kanyang buhay. Ipinapakita ng pelikula ang kahirapan ng kanyang buhay at ang mga mahihirap na pangyayari sa kanyang buhay. Mula sa pag-iwan ng kaniyang ama, pagkamatay ng kanyang kapatid at ina, at ang Ikalawang Digmaan na dumating sa kanyang isla.

Kaya hindi ito isang war film, isang pelikulang pandigma. Bahagi lamang ng kanyang karanasan ang digmaan. Kaya sa bandang huling kalahati lang ng pelikula nangyari ang digmaan.

Puno rin ng bugso ng damdamin ang pelikula. Maraming mga tauhan na nagkikimkim ng malalakas na damdamin. Mga damdamin na binubuhos o tinatago. Dito inilalabas ng pelikula ang mga tambalan at tensiyon.

Pero pagminsan, ang hirap maintindihan ang mga tauhan. Kaunti lamang ang dahilan para sa mga ginagawa nila. Kulang sa pasasalaysay o pagpapakita. Para siyang isang maikling kuwento na ipinapakita lamang ang kailangang ipakita. Kaya mahirap madaling maintindihan ang pelikula dahil sa kaunting at maliliit na mga bagay ay nagbabago ang daloy ng kuwento.

Consistent at tulo-tuloy ang pelikula pagkarating sa presentasyon. Tuloy-tuloy ang pagpapakita ng kapayakan ng buhay ng mga mamamayan at tauhan. Kakulangan sa buhay hanggang sa kakulangan ng armas sa digmaan. Ganoon din naman sa pagsasalaysay. Pigil at malinaw. Malilito ka lang kung hindi ka handa sa pagtanggap sa mga maliliit na bagay na binabato ng pelikula. Nakakatuwang isiping isa itong direksiyon ni Cesar Montano. E mulat na mulat siya sa mga pelikulang aksiyon. Kamangha-mangha na hindi niya dinala doon ang pelikula. Nakakapagtaka nga na ang mga bahaging may bakbakan ay parang kulang.

Maganda ang pelikula. May ilang munting sandali na hindi siya nagiging lohikal pero ganoon naman tagala ang mensahe ng pelikula. Walang dahilan ang buhay kung hindi mabuhay.

Miyerkules, Disyembre 22, 2004

Super Size Me

Parang ayoko nang dumalas sa McDo a. Punyetang "Super Size Me" na iyan, masyadong convincing.

Isang anti-fastfood at, ultimo, anti-McDo ang documentary na ito. Si Morgan, ang direktor at bida ng pelikula, ay kakain lamang ng sa McDo, umaga, tanghali, at hapunan, sa loob ng 30 araw. Susubaybayan ang kanyang katawan ng mga doktor at iba pang mga eksperto.

Ngunit hindi lamang puro pagkain ang pinapakita ng pelikula. Malalim na pinag-uusapan ng pelikula ang mundo ng fastfood. Mga statistiko at datos ay ipinakita nila sa isang makulay at simpleng paraan. Mga nakakatuwang animation at mga interesanteng kuwento. Kaya madaling makakumbinsi.

Maganda ang pagbabalanse ng pelikula sa mga nangyayari kay Morgan at sa mga datos at inpormasyon na ibinibigay nito. Mula sa mga araw-araw na pagkain ni Morgan hanggang sa mga check-up niya sa mga doktor ay magaling na pinapaggitan ng mga statistiko at magagaling na animation tungkol sa McDo.

Kagaya ng sinabi ko, napaka-biased laban sa McDo ang pelikulang ito. Pero sa epektibo ang pagkumbinsi ng pelikula sa pag-ayaw nito sa McDo. Makumbinsi man ang manonood o hindi, malinaw ang mensahe ng pelikula at naipahayag naman ito sa isang malinaw at nakakatuwang paraan. Sige, bibili pa ako ng BigMac.

Huwebes, Disyembre 16, 2004

Hubad na Larawan at ang id

Pagkatapos ng aking klase sa Newswriting, kinausap ng ilan kong mga kaklase si G. Tirol tungkol sa issue ng Tangang Lawin. Wala akong nakuhang kopya noon kaya iyon ang una kong silip sa pahayagan.

Gulat ang naging reaksiyon ni G. Tirol sa issue. Tinanong niya sa isa kong kaklase na bahagi ng Matanglawin kung bakit nila hinayaan na mapasama ang larawan sa issue. Hindi alam ng kaklase ko kung bakit nga napasama ang litrato. Sa kanilang meeting daw, hindi daw iyon ang naabutan niyang ilalagay sa pahayagan. Mayroon daw isang editor na nagpasya na iyon ngang larawan ang gamitin.

Tanong naman ni Sir Tirol kung bakit ang litratong iyon at ano ang koneksiyon noon sa artikulo. Pinagtanggol naman ng kaklase ko na bahagi iyon ng kuwento. Si GMA, sa artikulo ng Tangang Lawin, ay napakahilig sa atensiyon kaya "lumabas" ang mga "nude videos." Kaya daw ang litrato.

Pero mukhang hindi kumbensido si Sir Tirol. Spoof issue man iyon, kailangan ng galing ang pagsusulat at mukhang hindi nagalingan si G. Tirol.

Sa tingin ko, hindi naging maganda ang pagkakagawa ng Tangang Lawin. Kagaya ni G. Tirol, wala akong nakita sobrang nakakatawa. Nakakapanghuli ng tingin pero hindi ako natawa. Siguro nga kinailangan na pagsabihan ng Admin ang pahayagan pero sa tingin ko ay hindi nararapat na i-suspend ang pahayagan.

Pinag-usapan din ang issue na ito noong huling klase ko sa Fil104. Ayon kay Sir Devilles, hindi issue kung ano ang laman ng pahayagan. Ang tanong, bakit nila ginawa iyon. Bakit napasama ang larawan na iyon. Para kay Sir Gary, sa lahat ng mga rason at dahilan kung bakit, mayroong isang di masabi na nag-udyok at nagdala sa mga gumawa ng Tangang Lawin sa ginawa nila. Isang di masabi na gusto nilang ilabas na ginawa nila gamit ng pagpapatawa. Pinag-uusapan namin si Freud. Isa daw iyong "hinaing." Isa daw iyong pagpapahayag, tasteless man o hindi, ay hindi dapat hadlangan o sakalin. Dapat gabayan, marahil. Pero sakalin, hindi. Para kay Sir Gary, may gustong sabihin ang mga taga-Matanglawin na mas malalim pa sa ginawa nilang kuwento at kailangan daw iyon na sagutin.

Pinagtanggol ni Sir Gary ang Matanglawin. Walang magagawa ang Admin sa nangyari dahil nangyari na. Kailangan lang nilang hanapin kung bakit. Hindi lamang isang "gusto nila" o "bahagi ng kuwento" na dahilan.Kailangan nilang hanapin kung ano yung hindi masabi.

Nakakatuwa nga daw at yung spoof issue pa ang napag-initan o binigyang pansin e ang dami-dami daw na mga issue na inilabas ang Matanglawin kung saan kinailangan ng aksiyon. Bakit yung pagpapatawa ang binigyan ng sulat at hindi yung ilang mas seryosong issue ang sinagot at ginawan ng open letter.

Panghuli mula kay Sir Gary, hindi dapat na i-suspend ang pahayagan dahil mas nakakatakot iyon. Para daw iyong pagpunta sa totalitarianism. "Matakot [ka] kung hindi [mo] na mapaglalaruan o pagtatawanan ang mga problema mo o mga damdamin mo," sabi niya. Ang kagandahan ng ating lipunan ay ang kalayaan na magbukas ng diskurso. Iyon lang naman ang kailangan nating gawin. Mag-usap.

Lunes, Disyembre 13, 2004

Isang Pag-unawa sa “The Tagalog Theater” ni Epifanio de los Santos

Pinagpuyatan ko ito sobra. Kritiko para sa Fil104. Natatakot lang ako na baka masyadong marami ang pinagsasabi ko na walang kabuluhan.

Panimula

Nilimbag ang sanaysay ni Epifanio de los Santos “El Teatro Tagalog” noong 1911 sa wikang Kastila bilang bahagi ng “Cultura Filipina” at nilimbag muli sa “Dictionary of Philippine Biography.” Kilala si Epifanio de los Santos bilang isang manunulat at mananaliksik ng panitikan at kasaysayan. Sa init ng himagsikan ay naging editor siya ng pahayagang “La Independecia,” isang maka-rebolusyonaryong pahayagan.

Binigyan ng panimula ni Prof. E. Arsenio Manuel ang sanaysay. Pinaalalahanan niya ang mambabasa sa ilang mga bagay tungkol sa sanaysay. 1) Halos wala sa mga mag-aaral ng panitikan ang nakakaalam sa sanaysay na ito dahil sa wika kung saan ito unang naisulat at sa kalumaan nito; 2) Hindi siya monograpik o detalyado na sanaysay; 3) Walang depinisyon ang sanaysay kung ano ang dula o teatro para kay Epifanio de los Santos. Makikita ang mas malalim na pag-uuri at pagtalakay niya sa paksang ito sa “Notas” niya sa edisyon ni W. E. Retana ng “Sucesos de las Islas Filipinas” ni Antonio de Morga.; at 4) Maraming mga nabanggit na halimbawa at teksto si de los Santos na mahirap nang makita o hindi na matatagpuan ngayon.

Pagbubuod

Nahahati sa anim na bahagi ang sanaysay ayon sa pag-uuri ni Epifanio de los Santos sa kapanahunan ng dulaang Tagalog. 1) Before the Conquest; 2) Typical Pieces of Tagalog; 3) Assimilation of Spanish Literature; 4) A New Orientation; 5) National Rebirth; at 6) That Another Much Higher Value Arises.

Kagaya ng “Ang Tatlong Panahon ng Tulang Tagalog” ni Julian Balmaseda, wala pa ring ideya ng isang wikang Pilipino sa loob ng sanaysay. Pero hindi wika ang tinatalakay ng sanaysay. Sa kabuuan, tinatalakay nito ang mga katangian ng dula at ang kasaysayan nito.

Before the Conquest

Ayon kay de los Santos, ang dulang Tagalog sa panahong ito ay binubuo ng mga sayaw na sinasamahan ng mga awit at tula. Pumapalibot naman ang banghay ng mga dula sa pag-ibig.

Sa pananakop ng mga Kastila, iniwan na ng mga katutubo ang mga tradisyon nila at tinanggap ang mga gawain ng mga mananakop. Pero nanatili ang katutubong dulaan kasabay ng dulaan na nabahiran ng mga katangiang banyaga. Sa simula ay malinaw na makikita ang pinagkaiba ng dalawa ngunit di nagtagal ay naging imposible nang makita ang pinagkaiba ng dalawang uri.

Typical Pieces of Tagalog

Hinati ni de los Santos ang mga pankaraniwang gawang Tagalog sa dalawa: 1) ang mga duplo at karagatan, at 2) ang mga corrido at awit.

Duplo. Ang duplo ay isang halong uri na farsiko o kaya ay dramatiko, depende sa okasyon ng pagtatanghal. Ang duplo ay magiging isang tunggalian ng mga akusado at tagapagtanggol upang mapagbigyang linaw ang isang paksang panlipunan gaya ng pagnanakaw. Ang mga kilalang duplero ay mga aral at kalimitang mayroong sariling aklatan.

Karagatan. Ang karagatan ay hango sa uri ng duplo pero medyo erotiko na kalimitang nagtatapos sa pagpapakasal ng mga pangunahing tauhan. Naging popular ang mga karagatan noong ika-17 at ika-18 siglo kaya noong 1741 ay pinigilan ng Arsobispo ang patatanghal ng mga karagatan ng walang pahintulot.

Awit at Corrido. Hindi malalim at lubusan ang pagtalakay ni de los Santos tungkol sa mga uring ito pero binigyan niya ito ng anyo. Ito ay, datirati, anim na baybay na naging labing dalawang baybay na hinati sa anim dahil kay Balagtas.

Assimilation of Spanish Literature

Nagsimula ang paghahalo ng panitikang Kastila sa katutubo nang simulang isalin ang mga Kastilang komedya. Ang naging resulta ng paghahalo ay ang moro-moro na, kalimitan, ay ang paksa ng tagumpay ng relihiyong Katoliko sa Islam. Puno ng makasaysayan, heograpiko, at estetikang kamalayan pati na rin mga katutubong halaman at hayop ay matatagpuan sa mga komedyang ito. Puno rin daw ito ng mayayabang na galaw pati na rin ang walang pakakialam sa gawa ng tanghalan, ang basta-bastang pagpili ng mga aktor. Para kay de los Santos, nararapat na tawaging halimaw ang mga moro-moro.

Sa kabuuan, ang mga gawang Tagalog ay kinabubuuan lamang ng mga halos isang dosenang orihinal na komedya, ilang pag-aayos ng Pasyon, at ilang mga awit at corridong binagay sa dulaan. Ang Pasyon, Ang San Alejo, at Florante’t Laura ay hindi sinulat para sa dulaan kundi awitin.

Malay ang pagtuligsa si de los Santos sa moro-moro. Pero sa likod ng mga di kaaya-ayang mga katangian ng moro-moro ay may mga biyayang kailangang makita kagaya ng magagandang gawa na tulang Tagalog at ang mga naligtas na sayaw pandigma mula pa sa mga panahong nakalipas. Mga bahagi ng panitikan at sining na Tagalog na nagpapakita ng kagandahan ng kulturang Pilipino.

A New Orientation

Ito ang panahon ng pagbabago, ayon kay de los Santos, ng patutunguhan ng dulaan. Mula sa relihiyoso at walang kaayus-ayos na pagtatanghal, nagkaroon ng bagong oryentasyon ang mga manunulat patungo sa makabago, maka-Pilipino, makabayan, at nasyonalistikong mga sulat. Halimbawa nito ay ang El Rezaga, El Amor de Una Mestiza, at Jose el Carpintero ni Juan Zulueta de los Angeles.

National Rebirth

Ito ng panahon ng pag-uusig patungo sa pagsasabansa dulot ng himagsikan at digmaan na pinaglaban ng mamamayang Pilipino. Binigyang halaga ni de los Santos ang pagbabago ng oryentasyon at ng paksa ng mga dula upang itaguyod ang bagong bansang Pilipino. Nararapat lang na isang-tabi na ng mga Pilipino ang romansa at paghahanap ng himala para sa lumago ang isang modernong bansa.

That Another Much Higher Value Arise

Dito ay nagbibigay ang sanaysay ng mga halimbawa ng mga makabagong dula. Ang mga dulang Amor Patrio ni Pascual Poblete at Con la Cruz y Espada ni Manuel Xerex Burgos sa wikang Kastila at Mga Karaniwang Ugali ni Ambrosio de Guzman, Sinukuan ni Aurelio Tolentino at Sampaguita at Debi ni Patricio Mariano. Ngunit bukod-tangi ang pagpuri ni de los Santos sa mga gawa ni Severino Reyes. Binanggit niya ang R.I.P., ang simbolikong paglibing ni Severino Reyes sa makalumang moro-moro, at Ang Kalupi, isang dula na tinitingnan ang mga nakakatwang gawing Filipino. Para kay de los Santos, sa Ang Kalupi ay nakamit ni Severino Reyes ang tinatamasang pagbibigay ng galak na hindi gumagamit labanan ng mga sandata. Pero ang Walang Sugat ang lubos na binigyang tuon. Inaamin niya na isa itong politikal na reaksiyon mula sa nakaraang himagsikan kaya ito naging popular at tinangkilik. Ngunit kapag nawala na ang mga maigting na damdamin ng mga mamamayan, ayon kay de los Santos, makikita ang kagalingan ng dulang ito. 1) Ang kapayakan ng buhay ng mga tauhan; 2) ang magaling na pagbibigay buhay sa mga tauhan na para bang makakasalamuha ng mga manonood ang mga tauhang ito sa tunay na buhay; at 3) Ang masigla at ganap na pagsasakatao ng mga tauhan bilang mga tunay na Pilipino.

Nagtatapos si Epifanio de los Santos sa “patay o himala kung hindi umirog.” Isang tahakang pagsabi sa kanyang nararamdamang paghanga sa dula at, lalo na, sa mga tauhan nito.

Pagpuna

Ang paksa ng sanaysay ay ang dulang Tagalog at ito ay isang pagtingin sa katangian ng dula ayon sa panahon. Tinitingnan nito ang mga pagbabago sa paglipas ng panahon ayon 1) sa porma at 2) sa nilalaman. At naging tuluy-tuloy naman ang panayam ni Epifanio de los Santos mula simula hanggang katapusan.

Inamin ni de los Santos, sa simula, ang paghahalo ng banyaga sa katutubo at mahirap nang tukuyin kung alin sa mga katangian ng sining ang katutubo o banyaga. Pero naandoon pa rin ang pag-asa, sa kanyang tono, na maaari pang makita ang katutubo kahit na napakaliit lamang pagkakataong ito.

Sa ikalawang bahagi, Typical Pieces of Tagalog, tinalakay ni de los Santos ang porma at paksa ng mga gawang Tagalog. Pero hindi niya ito nilalagay sa pedestal ang mga gawang Tagalog. Inulit niya ang sinabi ni Rizal, “The early songs, the early sainetes, the first drama, that I saw in my childhood years and which lasted three nights, leaving in my soul an indelible memory, in spite of their crudeness or ineptitude, were in Tagalog. It is like an intimate family feast, of a poor family.” Samakatuwid, mahalaga ang mga gawang Tagalog dahil, mismo, gawa ito ng Pilipino at bahagi ito ng nakagisnan na. Ngunit may mga katangian itong di-pormal at pangmasa. Si Epifanio de los Santos ay isang ilustrado, bahagi ng mataas na uri. Dahil dito, mayroong kaunting paglayo si de los Santos sa mga gawang Tagalog dahil sa pagiging pangmasa nito.

Kaya, sa kalagitnaan ng sanaysay, mas ispesipiko ay sa Assimilation of Spanish Literature, ay nagsisimula nang lumabas ang pagkiling ni de los Santos. Unti-unting umaapoy ang kanyang makabayan at nasyonalistang damdamin mula sa bahaging hanggang sa katapusan nito.

May bahid ng pagtuligsa ang kanyang pananaw tungkol sa mga gawa sa panahong ito, lalo na ang mga moro-moro. Para kay de los Santos, hindi maganda ang mga pagtatanghal ng mga moro-moro dahil sa 1) puno ito ng yabang; 2) walang pakialam sa magandang paggawa ng tanghalan; at 3) hindi propesyonal na pagpili ng mga aktor. Nagiging magulo ang proseso at pagtatanghal ng mga moro-moro. At mga lehitimo itong mga problema lalo na para sa isang kagaya ni Epifanio de los Santos na isang manunulat at kritiko na palaging naghahanap ng patunay sa kalidad ng ating sining. At, marahil, medyo masakit na makita ang basta-bastang pagtatanghal ng mga moro-moro.

At may pang-apat pang dahilan, kung sisipatin ang kanyang mga sinabi sa mga susunod na bahagi, kung bakit hindi lubusang tinataguyod ni de los Santos ang moro-moro. Iyon ay ang mala-pantasya at di-Pilipinong mga tauhan na may banyagang kaugalian. Upang makamit ang bagong lipunan na kailangan para sa bansang Pilipino, kailangang iisang-tabi ang mga romantikong mga paniniwala at palitan ng makabayan at makabagong pag-iisip.

Pero hindi puro pagtanggi sa moro-moro ang ginawa ni Epifanio de los Santos sa sanaysay. Inamin naman niya na may magandang naitulong ang mga moro-moro at iyon ay ang pagligtas sa mga magagandang tulang Tagalog at mga sayaw pandigma. Kilala ang mga moro-moro sa mga sayaw nito gamit ng tunay na sandata. Sinasabi din na sa tulong mga moro-moro ay nakaligtas ang pandigmang sining na arnis sa Pilipinas.

Pinagtitibay naman ng ika-apat na bahagi, A New Orientation, ang pagbabago sa lipunan ng Pilipino. Ito, ayon kay de los Santos, ang panahon ng pagbabago sa sining ng dula dahil mismo sa pagbabago ng mga paniniwala at panahunan. Nagsisimula nang maging kritikal ang mga Pilipino, lalo na ang mga repormista, sa mga kakulangan sa lipunan. Halimbawa nito ay ang El Rezaga ni Juan Zulueta (1878) na pinapakita ang kakulangan ng pamahalaan. Ginagamit na sa panahong ito ng mga may-kaya ang lahat ng pamamaraan upang ipakita ang mga problema ng lipunan, para maudyok ang mga tao patungo sa pagbabago ng lipunan. Dito rin sa panahong ito nagsimulang gumawa ng mga dulang “ayon sa saligan.” Kung ano man ang mga saligang iyon ay hindi lubusang napag-usapan sa sanaysay. Sa puntong ito, naging malabo na kung ano ang katangian ng porma ng mga dula ngunit lubasang pinag-usapan ang nilalaman (o dapat nilalaman, kung pakikinggan ng mabuti ang tono ni de los Santos) ng mga dula.

Sa ika-limang bahagi, National Rebirth, lubusan nang bumuhos ang damdamin at pagkiling ni Epifanio de los Santos. Kitang-kita dito sa bahaging ito ang kanyang pagka-repormista at, sa huli, ang kanyang nasyonalismo sa Bansang Pilipinas. Isa itong pagpapatuloy ng ikaapat na bahagi. Ngunit ngayon, dahil sa himagsikan at digmaan, ang mga ideya at pagbabago, na nasimulan sa ika-apat na bahagi ngunit hindi napansin sa panahong ding iyon, ay tuluyan nang kakapit at magbubunga sa dulaan. Gamit ng sining ay mabubuo ang isang ganap na lipunang Pilipino, edukado at may-alam, na magiging pundasyon ng Republikang Pilipinas. Ito ay isang damdamin na mainit noon at pinaglaban sa himagsikan at digmaan bago sumapit ang ika-20 siglo.

At, ultimo, ang damdaming makabayan na ito ay magpapatuloy sa huling bahagi, That Another Much Higher Value Arises. Para kay de los Santos, maganda ang kanyang kasalukuyang panahon dahil unti-unti nang nawawala ang mga bisyo ng nakaraan lalo na sa pagkagawa ng sining. Dito sa panahong itong umusbong at dumami ang mga dulang patungkol sa pag-uugali ng mga Pilipino, isa tinatamasang kritikal na pagtingin sa lipunan. At may galak na sinabi ni de los Santos, ang pagtangkiling sa mga mamamayan sa mga ganitong uri ng dula. Bukod-tanging binibigyang puri naman ang dulang Walang Sugat ni Severino Reyes. Nakakatuwang makita ang pagtatama na ginawa ni de los Santos sa kanyang damdamin. Inaamin ni de los Santos na isang reaksiyong politikal ang dula kaya ito naging popular sa kanyang panahon. Pero pinagtanggol naman niya na may mga magagandang katangian ang dula lampas sa politikal na mensahe nito. Kagaya ng nabanggit sa pagbubuod: 1) Ang kapayakan ng buhay ng mga tauhan; 2) ang magaling na pagbibigay buhay sa mga tauhan na hango sa mga tunay na katangian ng pangkaraniwang tao; at 3) Ang masigla at ganap na pagsasakatao ng mga tauhan bilang mga tunay na Pilipino.

Magtatapos si Epifanio de los Santos sa kanyang sanaysay na pinagtitibay ang kanyang mga paniniwala, repormista at makabayan. Binigay niya ang kanyang lubos na suporta at pagtangkilik sa mga dula ng kanyang kapanahunan sa paghambing niya sa kanyang sarili kay Aladin na umibig kay Flerida dahil mayroon siyang likas na ganda na isang lamang matigas ang puso o isang sira ang ulo ang hindi mapapaibig.

Pagwawakas

Sa isang mas malalim na pagbabasa, hindi lang pala isang pagtingin sa katangian ng dula, mga pagbabago nito at kasaysayan ang sanaysay na ito. Isang itong pagsasabi at pagtuturo na maganda ang dulang Pilipino. Mula sa mga gawang Tagalog, kahit na hindi pino, patungo sa mga moro-moro, na tinunuligsa ni de los Santos, hanggang sa mga makabagong dula pagkatapos ng digmaan, mahalaga ang lahat ng mga bahaging ito dahil nagpapakita sila ng katangiang Pilipino. At para doon, huwag natin sana silang baliwalaan, ano man ang pagkiling natin, gaya ng ginawa dito ni Epifanio de los Santos.

Miyerkules, Disyembre 08, 2004

Riles

Pinanood ko kahapon ang dokumentaryong "Riles," gawa ni Ditzi Carolino, sa Eschaler Hall. Required para sa Ph102. Maganda ang buong pelikula kaya hindi siya nakakabagot.

Una muna, ang daming nanood. Punong-puno ang Escaler. Lahat ng upuan ay nakuha na pero nagdadatingan pa rin ang mga tao. Kaya umupo na lang ako sa sahig.

Tungkol ang pelikula sa pang-araw-araw na buhay ng mag-asawang Renomeron, sina Eddie at Pen. Sinusundan lang ng kamera sila. Natural lang ang kanilang mga kilos. Nakakatuwa nga kapag sinusundan si Mang Eddie kasi palagi siyang nagpapatawa. Mas "candide" at palatawa si Mang Eddie na kinaiinisan naman ni Aling Pen kasi ang daming pinoproblema ay nainom at di-sineseryoso ang kanilang buhay. Malaking bahagi ng pelikula ay nag-aaway sila. "Machine gun 'yang si Pen," sabi nga Mang Eddie habang nag-aaway sila.

Mapapalapit ka sa kanila at mga anak nila dahil kahit alam nila na mayroong kamera, ganoon talaga ang buhay nila. Hindi sila naiilang na sabihin ang gusto nilang sabihin at gawin ang gusto nilang gawin. Binatukan pa nga si Mang Eddie ni Aling Pen sa kanilang pag-aaway.

Pero lamang hindi ang kanilang pag-aaway ang pinakatampok ng pelikula. Ang mga panahon na nag-iisa lamang sila, kinakausap ang kamera o kanilang sarili. Mga tabing sabi ni Mang Eddie noong nainom kasama ang kapit-bahay. Ang mga lungkot at pag-aalala ni Aling Pen tungkol sa mga anak nila at sa mga inaalagaang pamangkin.

Halos buong karanasan ng pagiging mahirap ay nakuha ng pelikula sa loob ng 70 minuto nito. Ang mga pangarap ng mga bata. Ang hirap ng paglalako ng balut. Ang problema ng pagtira sa isang tagpi-tagping bahay. Ang mga tuwa at ligaya para maibsan ang kahirapan. Pati ang pagpapalipas oras sa videoke, mga awit na inaawit ng mga taga-riles, na pinapakita ang mas malalim na katotohanan at damdamin ng pelikula.

Maraming mga ginawang mga camera technique ang pelikula. Mga sandaling pagtingin sa isang pangyayari na hindi nakatutok sa pamilya. Paghuli sa mga daga. Pagtingin sa kabuuang riles. Pagtingin sa ginibang bahay. Mga maiikling sandali na kumukuha ng mga malalakas na damdamin mula sa mga manonood.

Walang sound effects ang buong pelikula. Gumagamit lang ito ng mga natural na tunog. Malalakas at malinaw ang mga boses ng buong pamilya Renomeron. Simple lang dahil hindi na kailangan dramatic effect ang pelikula. Malakas na ang biswal.

Kaya pagkatapos ng pelikula, noong dumating ang mag-asawang Renomeron para sa open forum na ginawa, ay parang napalapit talaga ako at marahil ang karamihan sa kanila. Seryoso ang pelikula pero may puso ang pagkakagawa dito. Marahil, mataba kasi ang puso ng mga Renomeron.

Lunes, Disyembre 06, 2004

Cavite

Apat na oras lang tulog ko pero pinilit kong bumangon dahil sa "educational trip" sa Cavite para sa Hi166. Kaya buong araw ay para akong zombie na nakasunod lang sa pila sa kabang bumaba kami ng bus at natutulog lamang kapag nakasakay sa bus. At kaya parang ang bilis ng daloy ng oras sa buong trip.

Nagkita-kita ang mga sumama sa Xavier Hall. Naghihintay na doon ang mga bus at ang mga guro. 6:30 ng umaga ay nagsisakayan na ang mga tao pero mga 7:00 na ng umaga bago pa kami umalis ng Ateneo kasi hinintay pa namin ang mga nahuli.

Sumakay ako sa bus # 2. Naging katabi ko ang isang kong kagrupo sa papel para sa Hi166. E medyo malaki din siya kaya nagsiksikan kami sa inuupuan namin. Hindi naman sa sobrang siksikan. Para bang sakto lang ang upuan namin kaya iyon medyo hindi komportable kaming dalawa.

Una naming tigil ay sa Kawit, Cavite. Sa Aguinaldo Shrine, ang bahay ni Heneral Aguinaldo na pinagdadausan ng mga seremonya tuwing Araw ng Kalayaan. Ok din ang bahay. Malaki. Ilustradong-ilustrado ang dating. Mayroon pang sariling bowling alley ang bahay. Astig. Hanggang ikalawang palapag lang kami pero mukhang mas marami pa doon ang mga palapag ng bahay. Nasa likod ng bahay naman ang mga labi ni Hen. Aguinaldo. Nakapaloob sa marmol. Ang dami ng mga larawan at litrato ng mga bumisita sa bahay. Mga presidente ng Pilipinas at ng ibang mga bansa, mga heneral, at mga prime minister. Maganda nga rin pala ang kotse ni Aguinaldo, isang 1924 Rolls-Royce sa pagkakatanda ko.

Sunod naming pinuntahan ay Cavite City. Naan doon ang Sangley Point at Fort San Felipe pero hindi kami pumunta doon dahil sarado ang mga iyon tuwing Linggo. Pero tinuro naman sa kung saan ginanap ang Battle of Manila Bay. Ok nasa pero ang dumi ng tubig doon. "Tumalon ka diyan sa tubig. Pag-ahon mo may tatlo ka nang mata," biro ng isa sa mga kasama ko sa trip.

Mayroong mga lokal na tagagabay sa amin. Dalawa sila. Isang lalaki at isang babae. Mabait naman yung lalaki at madami siyang sinabi tungkol sa mga nangyari doon. Medyo nakakaasar naman yung isang babae, na matanda, kasi medyo mayabang siya tungkol sa ginawa ng mga Caviteño. "Kung hindi dahil sa aming mga Caviteño, wala kayo ngayon dito," sabi niya. Ano? Paano yung ibang mga naghimagsik? Yung Batangas, Laguna, Pampangga, Bulacan, Maynila, Nueva Ecija, at Tarlac? Ngumiti na lang kami nina Sir Madrona at Sir Manaois sa kanyang sinabi.

Sunod naming pinuntahan ang shrine of Our Lady of... nakalimutan ko na. Pasensiya. Hindi kami masyadong nagtagal doon.

Isang oras ang panahon na nilaan para sa pagkain ng tanghalian. Sa McDo ako kumain. Yun lang.

Sunod naming pinuntahan ay ang Casa Hacienda sa Naic. Doon nagtayo ng bagong pamunuan para sa Cavite si Bonifacio pagkatapos ng Tejeros Convention. Isa na siyang paaralan ngayon at mayroon daw nakikitang mga multo ang mga mag-aaral at guro paminsan-minsan. Nakakatuwa na ang paaralan mo ay isang mahalagang bahagi ng kasaysayan.

Sunod ay pumunta kami ng Maragondon Church. Hindi ko alam kung ang kahalagahan ng simbahan. Pasensiya ulit.

Huli naming pinuntahan ay ang bahay kung saan ginanap ang paghahatol kay Bonifacio. Hindi ko gusto yung lugar na iyon. Masamang bahagi kasaysayan natin. Pasensya na. Pro-Bonifacio ako.

Pagkatapos noon ay umuwi na kami. Tulog lang ang ginawa ko doon. Inaantok talaga ako. Sobra. Pagdating na dating ko ay natulog ulit ako.

Marami ako natutunan. May maganda. May hindi maganda. Pero ok na rin. Masaya ang kasaysayan.

Mababang Paaralan ng Naic


Mababang Paaralan ng Naic
Posted by Hello

Ang Kotse ni Aguinaldo


Ang kotse ni Aguinaldo
Posted by Hello

Ang Bahay ni Aguinaldo


Ang Aguinaldo Shrine
Posted by Hello

Linggo, Disyembre 05, 2004

Concert

Pagkatapos ng nakakapagod na Fil104 ay dumeretso ako papuntang Cubao para sa panonood ko at ng mga kapamilya ko ng concert ni Regine Velasquez. Doon na rin sa Araneta, kung saan ginanap ang concert, kami nagkita-kita.

Libre ng Wyett ang pagpapanood namin ng concert sa pagkakatanda ko.

Hindi ako fan ni Regine sa totoo lang. Promis. Ganyan lang talaga ang pop culture ng Pinoy. Kasama ang lahat.

Nakakatuwa naman ang concert. Ang dami ng mga nanood. Puno ang buong Araneta. May ilang mga "fanatiko" na nagwawagayway ng mga banner at ilang nagtitilian. Sumasakit pa rin ang tenga ko.

Madaming mga naging guest si Regine. Sina Andrew E., Francis M., Eric Mana, Ariel Rivera, Sarah Geronimo, Sheryn Regis, at Kyla. Nakakatuwa nga yung nagkasabay-sabay ang mga babae dahil pero biritan at pataasan ng boses.

Mula 9:00 hanggang 11:30 ng gabi ang buong concert at inantok na ako sa kalagitnaan. Tapos may field trip pa para sa Hi165 papuntang Cavite kaya talagang ginusto na talagang matapos ng maaga ang concert.

Ok naman ang concert. Medyo nagiging ingay nga lang talaga ang musika kapag nagbibiritan na ang mga kumakanta.

National Treasure

Pinanood ko ang pelikulang "National Treasure" noong Lunes. Hindi ito isang engrandeng pelikula kumpara sa "Alexander," na gusto ko ring panoorin. Mukhang itong isang pampamilyang pelikula na seryoso na hindi. Basta.

Hindi naman napakaganda ng pelikula pero hindi rin naman ganoong kapangit. Parang "Van Helsing" na puno ng aksiyon pero may tangang kuwento. Hindi ko na pag-uusapan ang kuwento dahil wala namang magandang pag-uusapan dahil napakanasyonalistang Estados Unidos ang paksa. Bakit nasa Amerika ang "kayamanan" na iyon?

Nalabuan ako sa koneksiyon ng Knights Templar at Freemasons. Katolikong Freemasons? Ang labo noon a. Baka mabatukan ni Fr. Arcilla ang mga nagsulat noong script.

At ang kanilang pagsasalita, hay naku. Buong buhay ko wala pa akong narinig na magsalita ng ganoong Ingles na pinagsasalita ni Nicholas Cage habang nilulutas niya ang mga bugtong. Mas papanoorin at pakikinggan ko pa ang Ingles ni Shakespeare imbes na makinig sa Ingles ng "National Treasure."

Maganda lang talaga sa pelikulang ito sa production values niya at kay Diane Kruger. (Hehe.) May ilang nakakatuwang sandali pero isa itong napakalabong pelikula na masayang panoorin para lang pampalipas ng oras.

Huwebes, Disyembre 02, 2004

Zatoichi

Isang bulag na samurai. Mukhang magiging maganda ito.

Narinig ko ang pelikulang ito mula kay Chino at naintriga ako. Mahilig din naman ako sa mga umaatikabong mga pelikula kaya noong nakita ko ito sa National na nakalagay na sa VCD, kinuha ko agad ang "Zatoichi."

Hindi lubusang umiikot ang pelikula tungkol kay Zatoichi, na ginampanan ni Takeshi Kitano. Umiikot din ang buong fabula ng pelikula sa magkapatid na geisha, na ginampanan nina Daigoro Tachibana at Yuuko Daike, na naghahanap ng katarungan at sa isang ronin, na ginampanan ni Tadanobu Asano, na naghahanap ng maginhawang buhay para sa kanyang asawa.

Nananatiling mysteryoso si Zatoichi bilang isang tauhan. Isa siyang bulag na samurai, matalas ang pandama, at may kagustuhang iangat ang katarungan para sa mga inaapi. Pero hanggang doon lang. Wala ka nang masyado pang malalaman pa tungkol kay Zatoichi. Hindi ko malaman kung ano ang direktang relasyon ni zatoichi at ng mga barumbado. Suhestiyon na mayroong mas malayong fabula ang buong kuwento ng pelikula. Isa nga naman itong pelikula hango sa isang mahaba at popular na serye sa TV. Kaya siguro parang hindi na kinailangan ng pagpapakilala si Zatoichi.

Visual ang pelikula sa kanyang pagbibigay ng kuwento. Kaya kahit na subtitled lamang ito at nasa Hapon ang wika ay madali pa ring sundan ang kuwento. At kahit na madaming patayan at may mga seryosong mga sandali, mayroon pa ring mga nakakapanggaan na sandali. Nagbibigay ito ng magandang pacing para sa pelikula.

Maganda ang cinematography ng pelikula lalo na sa mga maaksiyong bahagi na mayroong pinapatay. Palaging nakatutok ang kamera kay Zatoichi na nagbibigay ng unang tauhang epekto. Parang nakalagay ka sa kinalalagyan ni Zatoichi o ng mga ikakatay niya na kontrabida.

Ok din ang effects. Kinailangan lamang ng mga special effects para sa mga pagsirit ng dugo, pag-ulan, at pagputol ng mga bahagi ng katawan.

Masayang panoorin ang "Zatoichi." Magaling na pagkukuwento gamit ng pagpapakita. Kahit na may mga kaunting pagkukulang kagaya ng pagpapakilala kay Zatoichi, walang sandali na mapapahikab ka o aantukin.

Interbyu at Dalawang Oras sa Aklatan

Absent ako kahapon para sa Hi166. Nasobrahan sa pagtulog. Hehe. Kaya pumunta na lang ako sa COM140 kahapon. Nakakatuwa ang ginawa namin doon. Nagkaroon kami ng isang interbyu kay Sir Tirol para sa isang ehersisyo. Nagtatatanong kami ng kung anu-ano kay Sir. Nakakatuwa. Mas nakilala namin si Sir. Medyo nahirapan lang ako sa pagsusulat ng artikulo dahil medyo inaantok na ako ng mga oras na iyon.

Pagkatapos ng klase sa COM140 ay dumeretso ako sa Rizal Library. Kinahu ko ang mga kailangang mga ipa-photocopy at nagbasa ng mga pahayagan. Nagbanggaan pa kami ni Jay sa loob ng lib. Pareho kaming naghahanap ng mga libro.

Ang daming gagawin sa pagtatapos ng taon para sa Christmas Break. Ang dami kong kailangang isulat at puntahan. Marami pang nagkakapatung-patong na gawain. Medyo naaasar ako. Pero ok lang.